Ginagamot ngayon sa ospital ang 19 na katao makaraang bumaliktad ang sinasakyan nilang L300 van sa national highway ng Carmen sa Davao del Norte, iniulat kahapon ng pulisya.
Ayon sa report ng Carmen Municipal Police, nangyari ang aksidente dakong 12:00 ng umaga kahapon, sa national highway ng Barangay Tuganay sa Carmen.
Pansamantalang hindi kinilala ang mga biktima, na pawang miyembro ng Neos Fellowship Center at kasalukuyang ginagamot sa Davao del Norte Provincial Hospital.
Sinabi sa ulat na nanggaling sa Benguet ang mga biktima at pumunta sa Davao para sa isang lakbay-aral nang mangyari ang sakuna.
Isang pastor ang nag-imbita sa mga biktima sa Davao del Norte, ngunit habang nagbibiyahe sa Bgy. Tuganay ay biglang pumutok ang gulong sa unahan ng van at apat na beses itong bumaligtad.
Nahagip din sa aksidente ang isang tricycle, at nasugatan din ang driver nito. (Fer Taboy)