UMAALAGWA ang transnational crime sa Timog-Silangang Asya. Ito ang naging babala ng United Nations, bunsod ng mabilis na pagsasama-sama ng mga ekonomiya sa rehiyon habang pumapalya naman ang pangangasiwa ng pulisya sa hangganan ng mga bansa.
Masyado nang malaki ang problema kaya naman tinaya ng United Nations na nagkakahalaga na ngayon ng mahigit $100 billion ang ilegal na kalakalan sa East Asia at Pasipiko—higit pa sa pinagsama-samang Gross Domestic Product (GDP) ng Myanmar, Laos, at Cambodia.
Inilabas ang taya matapos na ilunsad ng 10 bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ang regional economic bloc nito na gaya ng sa European Union noong Disyembre 2015, na layuning mapasigla pa ang kalakalan at mahikayat ang mas marami pang mamumuhunan.
Hangad ng ASEAN Economic Community (AEC) ang nag-iisang merkado na may malayang palitan ng mga produkto, puhunan, at lakas paggawa, na makatutulong sa rehiyon upang magkaroon ng kakayahang makipagkumpetensiya sa mga tulad ng China sa larangan ng dayuhang pamumuhunan.
Ngunit sa ulat na inilabas kahapon, nagbabala ang United Nations Office on Drugs and Crime na ang pagluluwag sa mga hangganan ng mga bansa ay maaaring magbunsod ng pagsigla sa sopistikadong grupo ng mga kriminal sa rehiyon.
Namamayagpag na ang mga grupong gaya nito sa harap ng talamak na kurapsiyon at matamlay na pamamahala sa Southeast Asia, kaya mas napapadali ang kalakalan ng ilegal na droga, wildlife, likas na yaman, at mga pekeng produkto.
“Transnational crime flows have been growing rapidly in the region,” saad sa ulat. “The threat is clear and rising.”
Ang Timber ay isa sa mga lugar na labis na pinakikinabangan ng mga grupong kriminal habang kakaunti lang ang panganib na maaari nilang kaharapin. Sa taya ng ulat, nasa 30-40 porsiyento ng lahat ng wood-based na produktong iniluluwas mula sa Southeast Asia ay ilegal “due to poor regulation and monitoring of the legitimate wood trade”.
Patuloy pa rin ang paggawa at bentahan ng ilegal na droga, partikular na sa Myanmar na nananatiling ikalawa sa pinakamalalaking heroin producer kasunod ng Afghanistan.
Ang shipping ay isa ring pangunahing weak spot na sinasamantala ng mga grupong kriminal, at nasa $5.3 trillion ng pandaigdigang kalakal ang dumadaan sa karagatan ng Timog-Silangang Asya kada taon.
“Of the 500 million containers that are shipped annually, less than two percent are inspected,” saad sa ulat.
(Agencé France Presse)