Nagtungo sa tanggapan ng Pasay City Police ang isang construction worker na nagsasabing siya ang ama ng 12-anyos na lalaki na unang nabistong nangongotong sa mga driver sa Rotonda-EDSA sa lungsod. 

Nagpakilalang ama ng bata si Ronaldo Magsalin, 41, residente ng Barangay Bicutan, Taguig City.

Inaalam ni Pasay Social Welfare Development Chief Rosalinda Orobia kung si Ronaldo nga ang ama ng nasagip na bata na nasa pangangalaga na ng Pasay Youth Center.

Nagsasagawa ng background check ang awtoridad sa bata at sa mga magulang nito kung bakit nagawa ng paslit ang mangontong sa mga driver, na nakasuot pa ng kumpletong police uniform.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kinumpirma naman ni Pasay Police chief Senior Supt. Joel Doria na nambibiktima rin ng motorista ang bata sa Makati, Quezon, City, Taguig City at Bulacan habang nakasuot ng uniporme ng pulis, may sukbit na replica ng .9mm pistol, at may pekeng citation ticket.

Unang inihayag ng bata na pinasadya pa umanong ipinagawa ang police uniform na suot niya.

Sinisiyasat na rin ng awtoridad kung ginagamit na “front” lang ang bata at kung may sindikatong nasa likod ng pangongotong nito sa lansangan.

Pinag-aaralan na rin Pasay Police kung may pananagutan ang magulang sa pagkakasadlak ng bata sa masamang gawain.

(Bella Gamotea)