PARA kaming nanood ng pelikula ni Sarah Geronimo dahil maraming bata kaming nadatnan sa loob ng sinehan sa Gateway Cinema 3 sa opening day ng Always Be My Maybe nina Gerald Anderson at Arci Muñoz mula sa direksiyon ni Dan Villegas under Star Cinema.
Rated PG (Parental Guidance) naman ang pelikula kaya ubrang maisama ng kani-kanilang mga magulang ang mga bata.
Nakakatawa nga, Bossing DMB, may kalung-kalong pa ang ina dahil tulog na si bagets.
Gusto namin ang pelikula dahil walang dull moments at ni isang moviegoer ay walang tumayo para magbanyo, talagang inaabangan ang bawat eksena ni Arci. Tuwang-tuwa kay Arci ang moviegoers.
Bukod sa beauty with oozing sex appeal, talagang mai-in love ka sa acting ni Arci dahil napakanatural, walang effort, alam mong siyang-siya ang napapanood mo.
Gusto namin ang sosyal na kagandahan niya sa lahat ng anggulo, pero ‘pag nagsalita na ay super jologs. ‘Yan ang magandang girlfriend na hindi dapat pinakakawalan, sabi nga.
Napaka-passionate ng love scenes nina Gerald bilang Jake at Arci as Kristina/Tintin, bagay na ikinabahala namin dahil may mga bata ngang nanonood at talagang hindi nagtakip ng mukha.
May narinig pa kaming bagets na nagsalita ng, “Ay, nag-kiss sila.”
Pero ang galing ng camera works ni Direk Dan, walang nakitang parte ng katawan ni Arci sa love scene nila ni Gerald na kitang-kitang namang iniingatan ang aktres. Hmmm, hindi kaya biglang nagkagusto ang aktor sa dalaga?
Napaka-gentleman ni Gerald sa nasabing eksena, kaya sabi ng mga nasa likod namin, “Ang suwerte ni Arci, ang sweet ni Gerald.”
Oo nga naman, dahil kung naiba-ibang aktor ay tiyak na magti-take advantage at hindi trabaho lang.
Nagkatawanan ang audience sa reaksiyon ng bagets pagkatapos ng love scene at nagising na sina Gerald at Arci, “Ay, morning na, gising na sila.”
Literally and figuratively, Bossing DMB, alam ng bagets ang ginawa nina Gerald at Arci at nagre-react talaga siya sa mga napanood niya kaya sinasaway siya ng nanay niya na kumakain ng popcorn.
Mas matindi na ang ikalawang love scene, napakaganda rin ng giling ng kamera at pati facial expression ni Arci ay inviting din sa manonood, at alam mo ba, Bossing DMB kung sino ang pinanood namin? Ang bagets na maraming comments, inabangan namin kung ano ang magiging reaksiyon niya, pero tahimik at seryoso na.
Totoo nga ang sinabi ni Direk Antoinette Jadaone nang makausap namin sa JaDine In Love presscon na maganda ng Always Be My Maybe dahil bukod sa comedy ay maraming love scenes na maganda ang pagkakakuha at higit sa lahat, ang mahusay umarte sina Gerald at Arci.
Inamin ni Direk Tonet na sumali siya sa editing ng movie at feeling nga namin ay talagang pinagtulungan nila ito ni Direk Dan bukod pa sa naka-assign na editor at ang galing din ng screenplay.
Congrats sa buong team ng Always Be My Maybe at kay Arci Muñoz. Dumating na ang tamang panahon para mag-shine siya, after nine long years in the business. (REGGEE BONOAN)