“’WAG n’yo akong sisihin!”
Ito ang mga binitiwang kataga ni dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino nang bumisita siya sa tanggapan ng Manila Bulletin sa Intramuros, Manila kamakailan.
Simula nang magbitiw sa MMDA, kapansin-pansin na nagbawas ng timbang ang dating chairman subalit maaliwalas ang mukha at positibo ang disposisyon nang makaharap ng mga editor bilang panauhin sa “Hot Seat” candidates’ forum ng naturang pahayagan.
Sa bitaw ni Tolentino, halatang dama niya na kanya pa rin ibinubuhos ng ilan ang sisi hinggil sa matinding trapik sa Metro Manila, kahit pa nagbitiw na siya bilang chairman ng ahensiya noong Oktubre 2015 upang sumabak sa senatorial race.
Hanggang ngayon, kabilang si Tolentino sa mga nakipaggitgitan sa ika-12 slot sa iba’t ibang survey para sa mga senatoriable.
Ano nga ba ang maitutulong ni Tolentino sa pamahalaan kung sakaling palarin na maupo sa Senado?
Sa tono ng kanyang pananalita, malaki ang panghihinayang ni Tolentino sa panukalang Metro Manila 7-kilometrong Skybridge na ngayo’y nakabitin sa National Economic Development Authority (NEDA).
Sa mga unang buwan niya sa MMDA, agad na inilatag ng dating alkalde ng Tagaytay City ang Metro Manila Skybridge, na gagastusan ng P10 bilyon, bilang alternatibong ruta sa EDSA.
Hindi tulad ng Metro Manila Skyway Stage 3 na tiyak na malaki ang singil sa mga daraang motorista, walang toll sa MM Skybridge na magdurugtong sa E. Rodriguez Avenue sa Quezon City sa Sta. Ana, Manila.
Ayon kay Tolentino, aabutin lang ng dalawang taon ang pagkukumpuni sa kanyang dream project dahil walang isyu sa “right of way” habang ang Skyway ay naaantala bunsod ng pagmamatigas ng may-ari ng ilang pribadong lupain na daraanan nito.
Wala ring idudulot na trapiko, dahil ito ay itatayo sa ibabaw ng San Juan River, hindi tulad ng Skyway Stage 3 na talaga namang perhuwisyo sa mga motorista.
Kung agad na inaksiyunan ng gobyernong Aquino ang Skybridge, nakatayo na sana ngayon ang istruktura at malaki ang maibabawas nito sa dami ng sasakyan sa EDSA.
“I did my best,” ayon kay Tolentino.
Sa hanay ng mga kandidato, iisa ang kanilang tono sa usapin ng pagresolba sa matinding trapiko, hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa ibang siyudad sa bansa.
Dakdak nang dakdak, wala namang malinaw at solidong solusyon.
Nangunguna sa plataporma ni Tolentino ang pagtatatag ng Philippine Urban Development Commission na mangangasiwa hindi lang sa problema sa trapiko kundi maging sa sensitibong isyu sa zoning ng mga commercial center.
(ARIS R. ILAGAN)