DAVAO CITY – Mariing kinondena ng mga Lumad leader sa evacuation center sa Haran compound ng United Church of Christ in the Philippines (UCCP) ang pagtatangkang silaban ang mga pansamantalang tinutuluyan ng tribu, sinabing bahagi ito ng patuloy na pag-atake laban sa kanilang grupo, na napilitang lisanin ang kani-kanilang komunidad dahil sa militarisasyon.

Dakong 2:00 ng umaga kahapon nang mataranta ang Lumad evacuees sa Haran makaraang magisnan nilang nagliliyab ang bubong ng isa sa mga evacuation house sa compound.

Sinabi ni Jong Monson, secretary-general ng Pasaka Lumad Organization, na sa alertong pagkilos ng mga Lumad at sa mabilis na pagresponde ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ay agad na nakontrol ang sunog.

Isang evacuation house lamang ang bahagyang natupok, ayon kay Monson.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kuwento pa ni Moson, habang abala sila sa pag-apula sa apoy ay nakarinig sila ng pagsabog na nauwi sa pagkasunog ng isang gusali sa loob ng Haran compound na nagsisilbing dormitoryo ng mga empleyado ng UCCP Church. Natupok ang nasabing gusali.

Sa pagtatangkang silaban ang evacuation center ay nasugatan ang limang evacuee, kabilang ang dalawang bata, ayon kay Monson.

“Sinadya ito. Nakita namin ang tatlong lalaki sa labas ng compound, may hawak na mga kahoy sa labas ng evacuation house. Nakaamoy din kami ng gasolina nang mga oras na ‘yun,” sabi ni Monson.

Natagpuan ng evacuees ang isang galon ng gasolina sa labas ng bakod ng compound, dagdag pa niya.

Sa kasalukuyan, may 800 pamilyang Lumad, na miyembro ng tribung Manobo, ang pansamantalang tumutuloy sa Haran Compound, ayon kay Monson. (ALEXANDER D. LOPEZ)