Raymart Santiago - copy

“PARA na rin akong nabunutan ng tinik, maayos na ang lahat sa amin,” sagot ni Raymart Santiago nang kumustahin tungkol sa bagong pangyayari sa buhay niya. “Wala na ang mga kaso, inayos na naming lahat. Open na ang schedule ko sa pagkikita namin ng mga anak namin. Kaya lang, dahil pumapasok sina Sabina at Santino, kapag weekend lang kami laging magkasama.

“Na-miss ko ang mga anak ko dahil dalawang taon din iyon na hindi ko sila nakita. Yes, may nabawas din sa closeness, hindi ko naman puwedeng madaliin ang mga bata, masaya kami kapag magkakasama. Nag-effort naman si Claudine (Baretto) na ipakita na sa akin ang mga bata. Civil kami sa isa’t isa, napag-uusapan namin ang mga bagay-bagay para sa mga bata. Salamat at naayos na, marami rin kaming pinagdaanan, now is the time to heal, ayaw ko nang pag-usapan ang mga pinagdaanan namin.”

Gaganap din bilang isang ama si Raymart Santiago sa two-year-old daughter na nawala sa kanya habang nasa isang mall at iyon ang madalas nilang pag-awayan ng asawang si Angelika dela Cruz. Naka-relate ba siya sa story ng Hanggang Sa Makita Kang Muli?

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

“Yes, naalaala ko noong mga bata pa ang mga anak ko ‘tapos matagal-tagal din kaming hindi nagkikita. Mahusay iyong batang gumanap at nang lumaki ay si Bea Binene na. Sa story naman, hindi ko kinalimutang hanapin ang anak ko, without knowing na ang anak ko ay nasa pangangalaga ni Ina Feleo na malaki ang pagkagusto sa akin at gusto lang maghiganit sa amin ng asawa ko. Wala pa kaming eksena ni Bea, pero based sa napanood natin kanina sa full trailer, makikita mo nang napakahusay niya.”

Biniro namin si Raymart kung may girlfriend na ba siya ngayon, gusto ba niyang mag-asawa muli?

“Ayaw ko na, na-trauma na ako. Siguro iyong magka-girlfriend, p’wede, pero iyong mag-asawa muli, hindi na, wala na iyon sa isip ko. Gusto ko na lang ituloy pa rin ang showbiz at may bago akong business, ang Sky Dive Greater Vigan, na nasa airport ng Vigan. Kumuha ako ng mga kilala kong sky diving instructors from Chicago at sila ang nagtuturo ng skydiving. Pumupunta ako roon kapag wala akong schedule ng taping.”

Mapapanood na simula sa Lunes, March 7, pagkatapos ng Wish I May sa GMA-7 ang afternoon prime drama series na dinidirek ni Ms. Laurice Guillen. (NORA CALDERON)