HALOS isang libong estudyante ng mass communication mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ang natuto tungkol sa mga uso at isyu sa media at komunikasyon mula sa mga eksperto sa industriya sa Ika-10 Pinoy Media Congress ng ABS-CBN Corporation na ginanap sa St. Mary’s College, Quezon City noong nakaraang linggo.

Pinaalalahanan ng presidente at CEO ng ABS-CBN na si Carlo Katigbak ang mga delegado na nanggaling pa sa iba’t ibang bahagi ng bansa, mula Cagayan State University sa norte at UP Mindanao sa timog, na huwag pabayaan ang kanilang idealismo sa kanyang keynote speech sa three-day seminar na naglalayong ihanda ang kabataan sa kanilang magiging papel sa media sa hinaharap.

Sinabi rin niya na bilang nangangarap na media practitioners, dapat isipin parati ng mga mag-aaral ang mga produkto na kanilang ibinihabahagi sa publiko, sa social media man ito o sa print at broadcast.

“Hold on to your idealism. May that be the fuel that drives your passion for the mission to build a better country and create a better world,” sabi niya.

Relasyon at Hiwalayan

Pagpapakasal dahil lang sa anak, 'di bet ni Janella Salvador

Pinangunahan ni Mr. Katigbak ang mga tagapagsalita na nagbahagi ng mga karanasan sa mga estudyante sa seminar na inorganisa ng ABS-CBN at ng Philippine Association of Communication Educators (PACE) sa ika-sampu nitong taon. Para sa taong 2016, ang tema ay “Media: Empowering and Inspiring a Nation.”

Natuto ang mga estudyante kung paano mag-cover ng mga pulitiko sa kasagsagan ng eleksyon, kung bakit sumisikat hanggang sa ibang bansa ang kanilang kinaaaliwang mga teleserye, paano maililigtas at palalakasin ang industriya ng pelikula sa bansa, at kung paano gumawa at magbahagi ng content base sa mga pag-uugali ng audience mula sa mga ABS-CBN executives na sina Ging Reyes, Marielle Catbagan, Rowena Paraan, Evelyn Raymundo, Leo Katigbak, Ronald Arguelles, Olivia Lamasan, at Vivian Tin.

Naibahagi rin sa mga estudyante kung paano maaaring magdala ng empowerment ang media sa mga mamamayan sa pamamagitan ng sports upang i-promote ang kahusayan ng Pinoy, o kaya ang paggamit ng teknolohiya upang i-promote ang mga talento at pagkamalikhain ng mga Pilipino, para maipaabot ang isang adbokasiya, at pagtataguyod ng positive values sa mga programa upang palakasin ang pamilyang Pilipino mula sa mga tagapagsalita na sina Dino Laurena , Dennis Lim, Gina Lopez, at Ginny Monteagudo-Ocampo, mula rin sa ABS -CBN.

Na-inspire din ang mga kalahok sa mga kuwento ng tagumpay ng ABS -CBN senior news correspondent na si Doris Bigornia, ABS -CBN sports correspondent at ANC anchor Gretchen Ho, at Chicken Pork Adobo content creators na sina Lloyd Cadena, Rod Marmol, Dominic Dimagmaliw, at Natalia Uy-Chan na nagbahagi ng pagpupursugi, pagmamahal sa ginagawa, at ang pagkamalikhain upang matupad ang pangarap sa media.

Nagkaroon din ng dialogue ang mga estudyante kasama ang ABS -CBN officers sa pamumuno ni Mr. Katigbak, chief operating officer for broadcast Cory Vidanes, at news head Ging Reyes. Direktang nakapagtanong ang mga estudyante sa mga pinuno ng Kapamilya Network hinggil sa mga isyu at usapin tungkol sa nangungunang media at entertainment organisasyon sa bansa.

Ang naging mensahe mula sa mga executive ay ang lahat ng tungkol sa pagsasakripisyo, integridad, kritikal na pag-iisip, at pagkukuwento ng hindi lamang magandang istorya kundi sa paraang epektibo rin at magbibigay inspirasyon hindi lamang sa mga mag-aaral kundi pati sa kanilang mga pamilya.

Bukod sa mga aral at karanasan ukol sa buhay media, umuwi ring masaya ang mga kalahok dahil nakihalubilo nila ang ilang Kapamilya stars tulad nina Jana Agoncillo, Ketchup Eusebio, at Sylvia Sanchez ng Ningning, And I Love You star na si Julia Baretto, at ang Oh My G! actress na si Janella Salvador kasama ang grupong Hashtags mula sa It’s Showtime.

Para sa marangal na layunin ng paghahanda ng susunod na henerasyon ng mass communicators at upang matiyak ang magandang kinabukasan ng industriya ng media, ang PMC ay pinarangalan ng Awards of Excellence mula sa Anvil Awards ng Public Relations Society ng Pilipinas (PRSP) noong 2008 at sa International Association of Business Communicators Pilipinas (IABC) Philippine Quill Awards noong 2007.