Isinantabi ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) ang suhestiyon ng Philippine Olympic Committee (POC) at Philippine Sports Commission (PSC) at itinuloy ang biyahe patungong Amerika para sa pagsasanay ng 20-man boxing team.
Hangad ng pamunuan ng ABAP na sumailalim sa tatlong linggong pagsasanay ang mga pambansang boksingero bilang paghahanda sa malalaking torneo na lalahukan para makasikwat ng slot para sa 2016 Rio De Janeiro Olympics.
Nauna nang nagpahayag ng pagdududa ang dalawang sports body sa biyahe ng mga boksingero bunsod umano nang kakulangan sa panahon para sa pagsabak sa Olympic qualifying sa Qin’An, China. Nakatakda naman ang Olympics sa Agosto 5 hanggang 20.
Ang delegasyon ng ABAP ay binubuo ng 14 na boksingero, limang coach at isang opisyal na magtutungo sa Olympic training facilities sa Las Vegas, San Francisco at Los Angeles.
“Mahirap makabawi sa jet lag,” pahayag ni PSC Chairman Richie Garcia. “Kung ako nga galing doon ay tatlong araw bago makabawi sa jet lag, so our concern is to the boxer na pagdating nila doon ay agad na sasabak sa laban.”
Lalaban ang Pinoy sa Asia-Oceania Quali¬fying Tournament sa Qan’ An, China na nakatakda sa Marso 23 hanggang Abril 3.
Sinabi ni ABAP executive director Ed Picson na ang naturang torneo ang isa sa dalawang natitirang tyansa ng mga boxers para makahirit ng puwesto sa Rio Olympic Games.
Sasabak sa training camp sina Rogen Ladon at Mark Anthony Barriga (light flyweight), Ian Clark Bautista at Roldan Boncales (flyweight), Mario Fernandez at Mario Bautista (bantam), Charly Suarez, Junel Cantancio at James Palicte (lightweight), Eumir Felix Marcial at Joel Bacho (welter) at female boxers Josie Gabuco, Irish Magno at Nesthy Petecio (fly).
Hangad ng ABAP na makasungkit ng apat na silya sa anim nitong sasalihang dibisyon kahit na isang boksingero lamang sa kalahok na mga bansa sa bawat dibisyon ang mapipili para sa Asian meet.
Makakasama din sa US ang mga coach na sina Nolito Velasco, Romeo Brin, Roel Velasco at Mitchel Martinez.
(ANGIE OREDO)