Ipinasa ng Philippine Racing Commission (Philracom) kamakailan ang dalawang resolusyon na may kaugnayan para masulusyunan ang suliranin sa mababang antas ng pagpapalahi sa mga imported na kabayong pangkarera.
Ayon kay Philracom Chairman Andrew A. Sanchez, ang Resolutions 6-2016 at 13-2016, ay magbibigay nang pantay na laban sa mga panlabang kabayo at magbibigay kaluwagan sa responsibilidad ng mga may-ari na namuhunan para makabili ng mga kabayong pangkarera sa abroad.
Iginiit ni Sanchez na malaki ang pangangailangan ng industriya nang maraming malulusog na panlabang kabayo upang mapanatili ang maayos at kapana-panabik na mga karera na hinahanap ng mga horseracing aficionado.
Sa kasalukuyan, may 2,000 kabayo ang nakarehisto sa Philracom, subalit karamihan dito ay hindi na pinatatakbo dahil sa injury, karamdaman o napatawan ng parusang suspensiyon.
Hindi na rin masyadong ginagamit sa track ang karamihan dahil madalas itong matalo.