Nakasamsam ang militar ng iba’t ibang gamit sa paggawa ng improvised explosive device (EID) makaraang salakayin ang pagawaan ng bomba ng New People’s Army (NPA) sa Kapalong City, Davao del Norte, iniulat kahapon.

Wala namang naabutang rebelde sa lugar, at tinutugis na ng Philippine Army ang mga ito.

Ayon sa report ng 60th Infantry Battalion (IB), natuklasan ang pagawaan ng bomba matapos i-tip sa military ng mga residente sa Sitio Muling, Barangay Gupitan, Kapalong City.

Sinabi ni Capt. Rhyan Batchar, tagapagsalita ng 10th ID, na nasamsam mula sa nasabing pabrika ng IED ang dalawang garand rifle, 280-metrong detonating cord, 200-metrong fuse time blasting cord, improvised 60-millimeter grenade launcher, improvised 40-millimeter grenade launcher, 18 stick ng dinamita, 11 kahon ng steel ball na ginamit bilang shrapnel, IED, limang improvised anti-personnel landmine, apat na cartridge ng improvised anti-personnel landmine, isang vault assembly ng M16 rifle, automatic voltage regulator, mga makina, mga cell phones, at iba pang gamit sa paggawa ng pampasabog. (Fer Taboy)
Probinsya

6 dayuhang nagsasagawa ng medical mission sa Leyte, ninakawan!