Naging madamdamin ang pagbabalik sa bansa ng overseas Filipino worker (OFW) na halos 20 taong nakulong sa Kuwait.
Naging emosyunal sa labis na tuwa si Joseph Yosuf Urbiztondo, 45, tubong Cavite, makaraang salubungin ng kanyang mga kaanak sa kanyang pagdating nitong Martes sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2.
Nagpasalamat si Urbiztondo sa lahat ng tumulong upang makalaya siya sa pagkakabilanggo sa Kuwait matapos na malikom ang US$26,000 na blood money noong nakaraang buwan.
Muling iginiit ni Urbiztondo na napagbintangan lang siya at na-frame up sa pagpatay sa isang Bangladesh.
Hulyo 8, 1996 nang inaresto si Urbiztondo at pinahirapan pa umano sa kulungan kaya napilitang akuin ang pamamaslang sa Bangladesh. (Bella Gamotea)