ANG buhay at bahay ng Pinoy F1 racer na si Marlon Stockinger ang sisilipin ng pinakabagong Kapuso lifestyle-magazine show na Dream Home sa ikalawang pagtatanghal nito ngayong Biyernes, Pebrero 26.
Laking Maynila, naranasan ni Marlon na maglaro sa kalsada kasama ang mga kapwa bata. Ngayon, kinakatawan na niya ang Pilipinas sa mabilis at mapangahas na mundo ng international Formula One racing.
Kasama si Kara David, sisilipin ng Dream Home ang bahay ni Marlon sa isang eksklusibong village sa Metro Manila.
Ilalahad din ng tinaguriang Pinoy F1 heartthrob ang kanyang karera sa Monaco na hindi niya makakalimutan dahil kahit muntik na siyang maaksidente ay himala pa ring siya ang nanalo.
Dahil na rin madalas na pamamalagi ni Marlon sa Europa habang nag-eensayo, natuto siyang maging independent at nagkainteres Kaya alamin ang specialty na ituturo at ipatitikim niya kay Kara. At sa rami ng magagandang celebrities na nili-link sa kanya, sino kaya ang nagpapabilis ng tibok ng puso ni Marlon ngayon?
Ang Dream Home ang pinakabagong programa na magbibigay ng inspirasyon sa mga taong nais magtagumpay sa buhay at manirahan sa kanilang pinapangarap na bahay. Tutuklasin ng programa ang kuwento ng paghihirap at susi sa mas magandang buhay ng mga taong matagumpay na ngayon.
Sa pilot episode noong nakaraang linggo, ang mga buhay at bahay nina CEO Rebecca Bustamante-Mills, hairdresser Edwin Samot, at “Carnival King” Ramon Santos ang nagbigay-inspirasyon sa Kapuso viewers.
Napapanood ang Dream Home tuwing Biyernes, 10:30 AM, sa GMA.