ANG kalayaan sa pagpapahayag ay pangunahin sa demokrasya ng ating republika at ng ating mamamamayan at batid at sinasang-ayunan ito, batay sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na inilabas nitong Sabado. Tinanong ang mga respondent kung sumasang-ayon sila sa pahayag na, “Maaari kong sabihin ang anumang gusto kong sabihin, nang hayagan at walang takot, kahit pa laban ito sa administrasyon.”
Sa resulta, 58 porsiyento ng mga respondent ang sumang-ayon sa pahayag, laban sa 24% hindi sumang-ayon, at 19% hindi makapagdesisyon, para sa net score na plus-34 (agree minus disagree). Ang kakatwa rito, ang karamihan sa sumang-ayon sa pahayag ay mula sa Mindanao, na 61% ang sumang-ayon habang 16 porsiyento ang kumontra, para makapagtala ng net plus-45. Sa economic classes, pinakamarami ang sumang-ayon sa E, o ang pinakamahihirap, na 61% ang positibo at 15% ang hindi sumang-ayon, para sa net plus-46.
Ang kalayaan sa pagpapahayag ay ginagarantiyahan ng ating Konstitusyon, sa Section 4 ng Article III, Bill of Rights: “No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances.” Ito rin ang kaparehong probisyon sa 1935 Constitution na pinagmulan ng ating kasalukuyang Ikatlong Republika ng Pilipinas matapos maging malaya ang bansa noong 1946.
Gayunman, tumigil ang pag-iral ng malayang pagpapahayag noong panahon ng batas militar na nagsimula noong 1972, kahit pa nakasaad pa rin ito sa Bill of Rights ng 1973 Constitution. Pinawalang-bisa ang Kongreso at ang Ehekutibo, inangkin ni Pangulong Ferdinand Marcos ang kapangyarihan sa lehislasyon sa bisa ng ipinalabas niyang mga Presidential Decree at mga Letter of Instructions. Ipinasara ang mga pahayagan at ilan ang kalaunan ay pinahintulutang maglathala sa ilalim ng ilang walang katiyakang kondisyon.
Ang pagiging malaya—sa pagpapahayag man o sa kahit na anong larangan—ay nagbalik matapos ang People Power Revolution noong 1986. Sa unang survey sa malayang pagpapahayag nang taong iyon, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Corazon Aquino, ang tugon ay ang net score na plus-32. Naitala naman ang plus-38 noong administrasyon ni Pangulong Fidel Ramos, plus-42 sa panahon ni Pangulong Joseph Estrada, at plus-36 sa termino ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Plus-46 na ito ngayon, sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Benigno Aquino III.
Mainam na balikan sa alaala ang lahat ng ito ngayon araw, Pebrero 25, ang petsa noong 1986 nang iluklok si Pangulong Cory Aquino sa puwesto makaraang lisanin ni Pangulong Marcos ang Malacanang, dumating sa Hawaii mula sa Clark noong Pebrero 26. Dahil sa araw na ito naibalik ang demokrasya sa bansa, at kasabay nito ay naibalik din ang pangunahing kalayaan sa pagpapahayag, na tinatamasa ng mga Pilipino ngayon.