GINUGUNITA ng sambayanang Pilipino tuwing Pebrero 22-25 ang EDSA People Power Revolution I, na nagpanumbalik sa “democratic institution and ushered in political, social, and economic reforms” sa Pilipinas. Ang paggunita sa pangyayari ay nagsisilbing bukal ng inspirasyon at katatagan ng bawat Pilipino. Ang mga aktibidad para sa pagdiriwang ng ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution I (#EDSA30) ay pangungunahan ng EDSA People Power Commission (EPPC). Ang selebrasyon para sa #EDSA30, na nagsimula noong Pebrero 15 sa pamamagitan ng TalaKalayaan forum, ay magtatapos bukas, Pebrero 26.
Ang selebrasyon ng paggunita sa EDSA People Power ngayong taon ay magiging mas kahanga-hanga at enggrande kaysa nakalipas na mga pagdiriwang. Hangad ng mga aktibidad na maisulong ang kamulatan ng publiko, partikular ng kabataan, tungkol sa mga pagdurusang dulot ng batas militar at mapanatiling nag-aalab ang mga ideyalismo ng demokrasya sa bansa.
May temang “Pagbabago: Ipinaglaban N’yo, Itutuloy Ko!”, ang pagdiriwang ngayong taon ay nakatuon sa pagpapabatid sa kabataan ng tungkol sa panahon ng batas militar at ang natatanging karanasan ng people power. Ang experimental museum sa White Plains Avenue ang sentro ng selebrasyon. Ang museo, na libreng bubuksan sa publiko sa Pebrero 25-26, ay may siyam na bulwagan na nagtatampok sa iba’t ibang pangyayari sa panahong iyon ng kasaysayan ng Pilipinas. Kabilang sa mga ito ang mga imahe ng mga biktima ng pagpapahirap noong panahon ng batas militar, at ang paglulunsad ng people power revolution. Tampok sa huling bulwagan si Pangulong Benigno S. Aquino III, sa pamamagitan ng hologram, habang hinihimok ang kabataan na ipagpatuloy ang laban kontra kurapsiyon.
Kabilang sa iba pang aktibidad ang tradisyunal na seremonya ng pagtataas ng watawat at ang programa sa Salubungan sa People Power Monument, gayundin ang paglulunsad ng isang nobela tungkol sa rebolusyon na may titulong “12:01.”
Nakipagtulungan din ang EPPC sa mga eskuwelahan sa pagdaraos ng mga diyalogo na magtatampok sa mga taong nabuhay noong panahon ng batas militar at nakibahagi sa rebolusyon.
Sa bisa ng Presidential Proclamation No. 1071, na ipinalabas noong Hulyo 8, 2015, idineklara ang Pebrero 25, 2016 bilang isang special (non-working) holiday sa bansa. Gugunitain sa selebrasyon ng #EDSA30 ang isang napakahalagang pangyayari sa kasaysayan ng ating bansa nang magkaisa ang mga Pilipino upang ilunsad ang pinakamalaking payapang protesta sa mundo na nagbigay ng tuldok sa 20-taong rehimen ng diktadurya, nang ibinuwis na buhay o dugong dumanak.