Winalis ng reigning champion Ateneo de Manila ang University of the East, 25-16, 25-18, 25-14 para mapatatag ang kampanya sa UAAP Season 78 men’s volleyball tournament kahapon sa San Juan Arena.

Nagtala ng 13 puntos ang league back-to-back MVP na si Marck Espejo, tampok ang 10 hit at dalawang blocks upang pangunahan ang Blue Eagles spikers sa ikalimang panalo sa anim na laro.

Nag-ambag naman ng tig-9 na puntos sina Rex Intal at Ron Adrioan Medalla habang nagdagdag ng 8 puntos si Ysay Marasigan.

Hindi nakaporma ang Red Warriors sa Blue Eagles sa kabuuan ng laban matapos paulanan ng hits, 41-22, at 10 service aces.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Naging matibay naman ang play ni Ish Polvorosa na nagtala ng 23 execellent sets kumpara sa 16 ng katapat na si Adrian Imperial gayundin ang epektibo nilang libero na si Manuel Sumanguid na nagtala ng anim 6 na dig at 8 reception.

Nanguna naman sa Red Warriors, bumagsak sa 0-6, si Ruvince Abrot na nagtapos na may 10 puntos.

Sa isa pang laban, nalusutan ng Adamson ang matinding hamon mula sa University of the Philippines para maitala ang 25-18, 25-23, 18-25, 18-25, 15-13 panalo.

Nagsalansan ng 19, 18, 16 at 13 puntos sina Jerome Sarmiento, Bryan Saraza, Michael Sudaria at Paolo Pablico ayon sa pagkakasunud-sunod upang pangunahan ang Falcons sa pag-angkin ng ikalimang panalo sa loob ng anim na laro at manatiling kasosyo ng Ateneo.

Nabalewala naman ang game-high 21 puntos ni Wendell Miguel dahil bumaba ang Maroons sa patas na barahang 3-3.

(MARIVIC AWITAN)