Dalawang dating opisyal ng Philippine Marine Corps at apat na kapwa akusado nila ang hinatulan kahapon ng hanggang anim na taong pagkakakulong dahil sa ilegal na pamamahagi ng 72 submachine gun.

Sa 69-pahinang desisyon nito, napatunayan ng Sandiganbayan Fifth Division na nagkasala sa paglabag sa Section 1 ng Presidential Decree 1866 sina dating Col. Cesar dela Peña, dating Brig. Gen. Percival Subala, Edelbert Uybuco, Gerard Vijandre, Michael Boregas, at ang pinuno ng Trimark Ventures Trading Corporation na si Manuel Ferdinand Trinidad.

Isinulat ni Fifth Division Chairperson Roland Jurado at sinang-ayunan nina Associate Justices Alexander Gesmundo at Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta, hinatulan ang anim ng pagkakakulong mula apat na taon, dalawang buwan at isang araw hanggang anim na taon, walong buwan at isang araw.

Bukod dito, pinagbabayad din ng korte ang anim ng P30,000 multa bawat isa.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Kasabay nito, pinawalang-sala ng Fifth Divison si dating Marine Captain Teodoro Briones, habang na-archive naman ang kaso at inisyuhan ng alias warrant of arrest ang isa pang akusado na hindi pa rin nadadakip, ang dating pulis na si Richard Zules.

Ayon sa court records, bumili ang Philippine Marine Corps sa Trimark ng 72 piraso ng H&K MP5 cal. 9mm submachine guns, at matapos makumpleto ang dokumentasyon mula sa Philippine National Police-Firearms and Explosives Division (PNP-FED) ay ibiniyahe ang mga baril patungo sa tanggapan ng Trimark sa Makati noong Hunyo 2000 para ipamahagi sa mga hindi awtorisadong indibiduwal, gayong dapat ay sa Marine headquarters sa Fort Bonifacio ito ididiretso.

(Jeffrey C. Damicog)