Binokya ng defending champion Adamson University ang University of the Philippines, 7-0, sa loob ng anim na innings upang hilahin ang winning streak sa makasaysayang 70 panalo sa UAAP Season 78 softball tournament nitong Lunes sa Rizal Memorial Baseball Stadium.

Muling nanguna para sa Lady Falcons sina reigning MVP Queenie Sababo, Annalie Benjamen at Lorna Adorable.

Naitala ng Lady Falcons ang ikawalong sunod na panalo ngayong season upang makalapit sa asam na outright championship berth.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“70 na pala!’” pahayag ni Adamson University coach Ana Santiago. “Bonus na itong winning streak. Yung ultimate goal pa rin namin is to win the championship.”

Ang winning run na nagsimula may limang taon na ang nakararaan, ang pinakamahabang winning run na naitala ng isang koponan sa team sports sa bansa.

Sa iba pang laro, tinapos ng Ateneo ang 23-game losing skid nang gapiin ang University of the East, 3-0, habang pinadapa ng University of Santo Tomas ang National University, 7-0, sa loob ng limang innings.

Sa baseball event, tinalo ng defending champion Ateneo ang UST, 6-3, habang pinasadsad ng La Salle ang UP, 14-5,upang pormal na makamit ang inaasam na final berth. Namayani rin ang Adamson kontra NU , 7-6.

Magkasama ang Blue Eagles at Green Batters sa liderato tangan ang parehong 5-5 karta, habang bumagsak ang Bulldogs 3-3. (Marivic Awitan)