Tatlumpong taon na ang nakalipas, ngunit hindi pa rin nakakamit ng mga Pilipino ang tunay na diwa ng EDSA People Power 1. Ito ang panaghoy ng mga lider ng Simbahang Katoliko.

Sinabi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, hindi pa rin natatamasa ng mga Pilipino ang kaunlaran at sa halip ay lalong lumaki ang agwat ng mayayaman sa mahihirap, dumami ang mga naaapi at nananatiling pangarap ang tunay na kalayaan.

Para kay Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez, bigo pa rin ang taumbayan na makamtan ang kapayapaan, pagbabago ng mga lider ng bansa, pagkakaisa ng lahat ng sektor at maraming trabaho para umangat ang pamumuhay at matamasa ng lahat ang kaunlaran.

Ayon naman kay Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, makalipas ang 30 taon ay hangarin pa rin ang diwa ng EDSA 1 na paglimot sa sarili, pagmamalasakit sa bayan at pagkilos na maka-Diyos. Hinamon niya ang mga kandidato na magpakatotoo, huwag sirain ang mamamayan at iangat ang dangal ng taumbayan.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Kumbinsido naman si Father Jerome Secillano, executive secretary ng Permanent Committee on Public Affairs ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na nararanasan pa rin sa kasalukuyan ang dating problema bago ang EDSA tulad ng kahirapan at laganap na katiwalian.

Sinabi ni Sister Mary John Mananzan, founder at executive director ng Institute of Women’s Studies, na bigo ang hangarin ng EDSA 1 dahil lalong dumarami ang mga nagugutom at talamak pa rin ang nagbebenta at bumibili ng boto sa bansa.

Pinanghihinayangan ng madre ang ibinigay na pagkakataon ng EDSA 1 na demokrasya, na hindi nagagamit dahil ang mga nasa posisyon ay iniisip kung paano magnakaw sa kaban ng bayan imbes na isaalang-alang ang kapakanan ng lahat.

Pangungunahan ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagdiriwang ng EDSA 1 People Power bukas. (Mary Ann Santiago)