Sinibak sa serbisyo ng Office of the Ombudsman ang isang prosecutor sa Quezon City Hall of Justice dahil sa pagtanggap nito ng suhol mula sa isang complainant noong 2014.
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, tinanggal sa serbisyo si QC Assistant City Prosecutor Edgar Navales matapos mapatunayang nagkasala ito sa grave misconduct, isang kasong administratibo.
Bukod dito, pinatawan din ng perpetual disqualification sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno, at pinagbawalang kumuha ng civil service examination matapos kanselahin ang eligibility ni Navales.
Kaugnay nito, iniutos na rin ni Morales ang pagsasampa ng kasong direct bribery sa Sandiganbayan laban kay Navales.
Sa reklamo ni Reynaldo de Leon, nakasaad na nagsampa siya ng kasong carnapping sa Quezon City Prosecutor’s Office, at bumagsak ang kaso kay Navales noong Hulyo 2014.
Ayon sa Ombudsman, Setyembre 2014 nang mag-text si Navales kay De Leon at humingi ng P100,000 para matiyak na uusad ang kaso, at nang sumunod na buwan ay binentahan naman ni Navales si De Leon ng dalawang booklet ng church raffle ticket.
Sa kabuuan, P103,000 ang tinanggap ni Navales mula kay De Leon. (Rommel P. Tabbad)