Sinibak sa puwesto at sinampahan ng kasong administratibo ng Philippine National Police (PNP) ang 15 tauhan ng Firearms and Explosive Office (FEO), kabilang ang hepe nito, dahil sa isyu ng katiwalian kaugnay ng pag-iisyu ng lisensiya ng baril.
Ayon kay Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng PNP, sinibak sa puwesto si Chief Supt. Elmo Francis Sarona, hepe ng FEO.
Itinalagang kapalit ni Sarona si Senior Supt. Cesar Bunag.
Sinabi ni PNP Chief Director Gen. Ricardo Marquez na kailangang sibakin sa puwesto ang 15 tauhan ng FEO, kabilang si Sarona, upang bigyang-daan ang isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng nabunyag na katiwalian.
Batay sa pahayag na inilabas ng PNP, noong Disyembre 2015 pa ipinag-utos ni Marquez ang imbestigasyon sa FEO.
Nabatid na nakarating sa kaalaman ni Marquez ang tungkol sa pamemeke ng neuro psychiatric exam upang madaling maisyuhan ng license to own and possess firearms.
Pinaimbestigahan ni Marquez sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nasabing anomalya at sa undercover operations ng huli, sa tulong ng Anti-Cybercrime Group ay nakumpirma ang sumbong.
Inamin ni Marquez na labis siyang nasaktan sa natuklasang katiwalian sa FEO, sinabing pinaghirapan ng PNP ang pagbuo ng rules and regulations para matiyak na maayos na nakatutupad sa tungkulin ang nabanggit na tanggapan. (FER TABOY)