Mag-iisang taon matapos ang malagim na sunog sa Kentex Manufacturing Corporation, sa unang pagkakataon ay dininig na ng Department of Justice (DoJ) nitong Lunes ang kasong isinampa ng mga kaanak ng mga nasawi sa insidente.

Nasa 74 na manggagawa ang nasawi makaraang sumiklab ang sunog sa nabanggit na pabrika sa Valenzuela City noong Mayo 13, 2015.

Dalawang batch ng mga reklamo ang dininig sa DoJ, kabilang na ang reckless imprudence resulting in homicide and physical injuries, at falsification of official documents, na may kinalaman sa RA 9514 (Fire Code), na inihain laban sa mga opisyal ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR) at sa mga opisyal ng Kentex.

Pinangalanang respondent sa unang reklamo sina BFP Director Chief Supt. Ariel Barayuga, dating Valenzuela Fire Marshal Supt. Mel Jose Lagan, at Valenzuela City Fire chief Supt. Rolando Avendan.

National

Ofel, mas humina pa habang nasa vicinity ng Gonzaga, Cagayan

Sa pangalawang batch ng reklamo, bukod sa mga nasabing opisyal ng BFP ay respondents din ang mga opisyal ng Kentex na sina Ong King Guan, Jose Tan, Charlie Ng, Bento Ang, at Mary Grace Ching.

Sa pagdinig, personal na pinanumpaan ng mga complainant sa harap ng piskalya ang kanilang reklamo.

Itinakda ang susunod na pagdinig sa Marso 7, 2016. (Beth Camia)