MULA sa mga gamit sa pakikinig hanggang sa pagpapadala ng mga jet fighter at ngayon ay pagpupuwesto ng mga surface-to-air missile, ang patuloy na pinalalawak na mga pasilidad ng China sa Paracel Islands ay malinaw na bahagi ng isang pangmatagalang plano upang palakasin pa ang kakayahang militar nito sa pinag-aagawang South China Sea.
Ayon sa mga diplomat at mga security expert na nakikipag-ugnayan sa mga Chinese military strategist, ang hakbangin ng Beijing sa pag-aarmas at pagpapalawak sa matagal na nitong pag-angkin sa Paracels ay malaki ang posibilidad na gawin din sa mga man-made island nito sa mas kontrobersiyal na Spratly archipelago, may 500 kilometro (300 milya) pa sa katimugan.
Inaasahang kalaunan, ang dalawang pinag-aagawang grupo ng mga isla ay gagamitin na rin sa mga operasyon ng jet fighter at sa pagtugaygay, kabilang na ang pagsasagawa ng mga anti-submarine patrol, at magbubukas na rin ng komunidad para sa mga sibilyan upang mariing maigiit ng China ang soberanya nito sa lugar.
Sa nangyayari, maaaring sabihing nabibigyang-daan na ng Beijing ang pagtatangka nito para sa isang epektibong air defense zone sa South China Sea, gaya ng itinatag nito sa East China Sea noong huling bahagi ng 2013.
Kinumpirma ng mga opisyal ng Amerika nitong Huwebes ang “very recent” na pagpupuwesto ng mga surface-to-air missile sa Woody Island, na kinaroroonan ng pinakamalaking presensiya ng China sa Paracels, tinuligsa ang hakbangin bilang taliwas sa ipinangako ng China na hindi ito maglulunsad ng militarisasyon sa pag-aangkin sa mga sinasabing teritoryo nito sa South China Sea.
Ayon sa Beijing, may karapatan ito sa “limited defensive facilities” sa teritoryo nito, at pinabulaanan ang mga napaulat tungkol sa pagpupuwesto nito ng mga missile at tinawag itong media “hype”.
Naniniwala si Ian Storey, isang South China Sea expert mula sa ISEAS Yusof Ishak Institute ng Singapore, na maaaring magpadala ang China ng kaparehong mga armas sa mga inaangkin nitong teritoryo sa Spratlys sa susunod na isa hanggang dalawang taon.
“This would enable China to back up its warnings with real capabilities,” aniya.
Sinabi naman ni Bonnie Glaser, military analyst sa Centre for Security and International Studies sa Washington, na ang pagtatayo ng mga istruktura sa Paracels ay simula na ng mga kaparehong military deployment sa huling reclamation ng China sa Spratlys.
Bagamat maaaring idepensa ng mga opisyal ng China ang umiiral na operasyon ng Amerika sa South China Sea, “there is a plan that has been in place for quite some time”, ayon kay Glaser.
Ang HQ-9 missile batteries, na iginigiya ng mga radar tracking system, ay kayang pumuntirya ng hanggang 200 kilometro (125 milya) at ang pinakamahalagang pang-depensang armas na ipinuwesto ng China sa Paracels, ayon sa mga regional military attaché.
Dahil sa nasabing hakbangin, maaaring maging kumplikado ang isinasagawang patpapatrulya sa karagatan ng mga eroplano ng Amerika at Japan, bukod pa sa manaka-nakang paglipad ng mga B-52 long-range bomber ng Amerika, na mariing binatikos ng China noong Nobyembre.
Maaari rin nitong hamunin ang mga operasyon ng dumadaming Russian-built SU-30 jet fighters ng Vietnam.
Kabilang ang Pilipinas sa mga bansang umaangkin sa ilang teritoryo sa South China Sea. (Reuters)