Mga laro ngayon
(San Juan Arena)
8 n.u. -- Ateneo vs. UE (m)
10 n.u. -- Adamson vs. UP (m)
2 n.h. -- FEU vs. Adamson (w)
4 n.h. -- Ateneo vs. UE (w)
Itataya ng reigning back-to-back champion Ateneo de Manila ang malinis na marka laban sa bumabangon na University of the East sa tampok na laro ngayon sa UAAP Season 78 women’s volleyball tournament sa San Juan Arena.
Masusubok ang katatagan ng Lady Warriors laban sa pumapagaspas na Lady Eagles sa ganap na 4:00 ng hapon. Magtatagpo naman ang Far Eastern University at Adamson sa alas-2 ng hapon.
Sa men’s duel, tatangkain ng Ateneo na makasabay sa kanilang kasangga sa pakikipagtuos sa UE sa ganap na 8:00 ng umaga, habang magkakasubukan ang Adamson at UP sa ganap na 10:00 ng umaga.
Sa pangunguna nang walang iniindang MVP na si Alyssa Valdez, tiklop ang mga nakaharap ng Lady Eagles sa unang limang laro sa elimination round. Pinakahuli nilang nadagit ang Adamson Lady Falcons, 25-19, 25-23, 25-16, nitong Sabado.
“Matagal pa yung tournament kaya one game at a time lang kami. We just want to maintain our consistency and lessen our errors and try to be more cohesive as a team,” pahayag ni Valdez.
“Hindi naman kasi natin masasabi ang puwedeng mangyari sa mga coming games, so dapat handa lang kami lagi,” aniya.
Galing naman sa panalo kontra University of the Philippines, tatangkain ng Lady Tamaraws na kumalas at masolo ang ikatlong puwesto kung saan magkasalo sila ngayon ng Lady Maroons taglay ang barahang 3-2 karta.
Magtatangka naman ang kanilang katunggaling Adamson na makaahon sa kinahulugang apat na sunod na kabiguan, matapos maipanalo ang unang laro kontra UST Tigresses. (Marivic Awitan)