EPEKTIBO nga ba ang gun ban na ipinatutupad ng Commission on Elections (Comelec)? Palagay ng marami ay hindi. Maliban siguro sa mga masunuring nagmamay-ari ng baril at ang mga opisyal ng Comelec ay wala nang sumusunod sa direktibang ito.
Sa kasalukuyan ay mahigit na sa 1,000 ang naaresto sa pagdadala ng baril. At siguradong habang nalalapit ang eleksiyon ay marami pang susunod. Hindi ba nalalaman ng Comelec na ang mga Pinoy ay mahilig sa bawal? Kung ano ang bawal ay siyang ginagawa. Bawal ang droga o ang ipinagbabawal na gamot pero hindi ba’t halos lahat ng sulok ng bansa ay may adik at pusher? Sa mga kasalukuyang kandidato, hindi ba’t sinabi na ng Comelec kung saan-saang lugar bawal ang magkabit ng kanilang karatula o propaganda? Pero hindi rin sinusunod.
Mabuti pa sigurong ipagbawal ng Comelec ang kakandidatong PANGIT at baka may sumunod pa sa kanila.
Noong nakaraang buwan pa lamang ay ipinatutupad na ang gun ban, pero hindi ba’t maya’t maya ay may binabaril? Kahit na kahera ng isang establisimyento ay hindi pinatatawad. Mayroon pang magkagit-gitan lang sa kalsada ay nagdu-duwelo na. Maraming pulis mismo ang sumusuway sa gun ban, mga sundalo, sekyu at kung sinu-sino pa.
Sa gun ban na ipinag-uutos ng Comelec ay parang nagpista lamang ang mga kriminal. Nagsilakas ang loob dahil alam nilang ang bibiktimahin nila ay walang dalang baril. Nagiging kakaning-itik sila sa harap ng mga kriminal. Ang matitinong pulitiko, komo sumusunod sa gun ban ay magiging target practice lamang ng mga gun-for-hire. Kaya ang gun ban ay isang kautusang pabor sa mga kriminal.
Magtungo tayo sa Mindanao. Sinasabing ang mga kalalakihan doon ay mas mahal pa ang kanilang baril kaysa kanilang asawa, mapasusunod mo ba ang mga iyan sa gun ban?
Halos tatlong buwan pa bago ang eleksiyon kaya ang gun ban ay malamang na tumagal pa o lumampas pa ng eleksiyon.
Siguradong ang mga magsisipaglabag sa gun ban ay lolobo pa at ang bilang ng maaaresto ay hindi na mabibilang.
(ROD SALANDANAN)