BEIJING, China (AFP) – Nagtatayo ang China ng radar facilities sa mga artipisyal na isla sa pinagtatalunang West Philippine Sea (South China Sea), ibinunyag ng isang American think tank.
Sa mga imahe mula sa satellite ng Cuarteron reef sa Spratlys na inilabas ng Washington-based Center for Strategic and International Studies (CSIS), makikita ang tila isang high-frequency radar installation, gayundin ang isang lighthouse, underground bunker, helipad at iba pang communications equipment.
Inilabas ang mga litrato ilang linggo matapos sabihin ng mga opisyal ng United States na nagpadala ang China ng surface to air missiles sa Paracel islands sa dulong hilaga.
“Placement of a high frequency radar on Cuarteron Reef would significantly bolster China’s ability to monitor surface and air traffic coming north from the Malacca Straits and other strategically important channels,” pahayag ng Asia Maritime Transparency Initiative ng CSIS.
Nabunyag din sa mga imahe ng iba pang mas maliliit na bahura na ginawang mga artipisyal na isla ng China — ang Gaven, Hughes, at Johnson South — ang iba pang features na tinukoy ng CSIS na mga posibleng radar tower, gun emplacement, bunker, helipad, at daungan.
Sinabi ng CSIS na sa kabila ng kapansin-pansing pagpapadala ng HQ-9 surface ng China hindi nito nabago ang “military balance” sa West Philippine Sea.
Ngunit, idinagdag na: “New radar facilities being developed in the Spratlys, on the other hand, could significantly change the operational landscape.”