Nagsimula na ang sparring program ni eight-division world champion Manny Pacquiao sa pagdating ni Canadian Ghislain Maduma, kahapon sa PacMan Wild Card Gym sa General Santos City.
Tubong Democratic Republic of Congo si Maduma kung kaya’t akmang-akma ang lakas at bilis nito para masanay ang galaw ng People’s Champion para sa laban kay Timothy Bradley sa Abril 9 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas.
Naunang pinili ni Koncz ang isa pang Canadian fighter na si Dierry Jean, naka-sparring partner ni Pacquiao sa kanyang ensayo sa ‘Fight of the Century’, ngunit hindi ito sumagot sa tawag ng Team Pacman.
Hawak ng 31-anyos na si Maduma ang impresibong 17-2 record kasama ang 11 knockouts. Isa siyang Super Lightweight, may taas na 5’7” at nasungkit ang North American Boxing Federation lightweight title nang ikasa ang 3rd round knockout kay Mexican veteran John Carlos Aparicio noong Pebrero 5, 2014.
Ngunit, natalo siya kay unbeaten Maurice Hooker para sa WBO North American Boxing Organization (NABO) title fight sa bisa ng split decision noong Oktubre 17 ng nakaraang taon.
“My fighter is someone with blazing hand-speed, power and accuracy. He’s explosive and always in top condition,” wika ng kanyang promoter na si Camille Estephan.
Humanga naman si Maduma nang makita ang pambihirang bilis ni Pacquiao sa punch mitts session na umabot ng seven rounds kasama ang Hall of Fame trainer na si Freddie Roach.
“Manny is very strong and very fast. He’s good, he’s good,” paulit-ulit na sinabi ni Maduma habang nagwo-workout ang Filipino boxing legend.
Naniniwala rin si Maduma na ikakamada ni Pacquiao ang knockout kay Bradley sa loob ng nine rounds. (Gilbert Espena)