MATAPOS ipahayag ng information technology expert na posibleng magkaroon ng dayaan sa 2016 polls, nagpahayag din ng kahawig na pananaw ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV). Tandisang sinabi ni Ambassador Tita de Villa, Chairperson ng naturang election watchdog, na lilitaw ang iba’t ibang uri ng dayaan sa eleksiyon. Kabilang dito ang pagbili at pagbebenta o buy and sell ng mga boto, lalo na kung malapit na ang halalan at sa mismong pilahan ng mga botante. Sa ganitong sitwasyon, lumulutang ang mga babala: Tanggapin ang pera at iboto ang kursunada.
Sa pamamagitan ng suwabeng pamamaraan, may mga kandidato na nagpapadala ng mga grocery items sa bahay ng mga botante, lalo na sa inaakala nilang kaalyado ng kanilang mga kalaban. Dapat lamang asahan na ang ganitong pagmamagandang-loob ay hindi tatanggihan ng mga botante. Bahagi na ito ng kultura na Pilipinas. Kaakibat ito ng pag-aalok ng scholarship para sa mga estudyante, at maging sa mismong mga magulang nito na naghahangad pang makapag-aral.
Kahit na ang tinaguriang Bottom-up Budgeting (BUB) sa General Appropriations Act (GAA) ay itinuturing na isa ring anyo ng panunuhol sa mga lider ng local government units (LGUs). Sa pamamagitan nito, milyun-milyong piso ang inilalaan ng administrasyon sa mga proyekto na ipinatutupad at ipatutupad sa mga lalawigan, bayan at sa mga barangay. Hindi mahirap hulaan ang dapat na maging sukli nito mula sa mga mamamayan at sa mismong mga kandidato ng administrasyon.
Bigla kong naalala ang isang eksena noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Ipinatawag ang mga mambabatas, kabilang ang iba pang LGUs, sa isang umano’y pagpupulong sa Malacañang. Pagkatapos ng pagpupulong, halos lahat ng dumalo ay may bitbit na brown envelope. Muli, hindi mahirap hulaan ang laman ng mga ito.
Marami pang anyo ng pandaraya ang laging kaakibat ng halalan. Kapag naghari ang mga ito, tiyak na mabibigo ang inaasahan nating HOPE (Honest, Orderly and Peaceful Elections). (CELO LAGMAY)