Nawalan ng tirahan ang 540 pamilya matapos lamunin ng malaking apoy ang 250 bahay sa sunog sa isang residential area sa Muntinlupa City, nitong Lunes ng gabi.
Sa ulat na tinanggap ni Senior Supt. Leonardo Bañago, director ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR), dakong 10:00 ng gabi nang nagsimula ang sunog sa Block 35 Soldiers Hills Subdivision sa Barangay Putatan.
Dahil sa lakas ng hangin, mabilis na kumalat ang apoy sa mga bahay na pawang gawa sa light materials.
Umabot sa Task Force Delta ang sunog, na naapula dakong 1:00 ng umaga kahapon.
Walang napaulat na nasaktan sa insidente at inaalam pa ng awtoridad ang sanhi ng sunog, gayundin ang halaga ng natupok na ari-arian.
Kasalukuyan namang nagsisiksikan ang mga nasunugan sa covered court ng Soldiers Hills Subdivision, at nananawagan ng tulong mula sa kinauukulan. (Bella Gamotea)