ronda copy

Cagayan De Oro – Masasaksihan ng mga Cagayanos ang hatid na kasayahan at kompetisyon sa pagsikad ng 2016 LBC Ronda Pilipinas Mindanao Stage 3 criterium ngayon sa Pueblo De Oro dito.

Kumpara sa kaganapan sa unang dalawang yugto sa Butuan City, inaasahang makakaramdam ng matinding hamon at pagsubok ang Philippine Navy-Standard Insurance dahil sa pagnanais ng mga karibal na makabangon at makahabol para sa kampeonato.

Nadomina ng Navy-Standard, sa pangunguna ni back-to-back stage winner Ronald Oranza, ang team classification matapos ang dalawang karera.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Gayunman, dahil sa format na point system, napanatili ng kakampi nito na si Jan Paul Morales ang overall lead at ang simbolikong Red Jersey sa pagtatapos ng Stage Two ng Mindanao.

“Mahirap ang labanan kasi point system,” sabi ng 22-anyos na si Oranza, nagtala ng tyempong isang oras, 17 minuto at 59.32 sa 3.71-km Stage Two criterium nitong Linggo.

“Kailangan ikaw lagi ang manalo sa sprint, king of the mountain at sa lap para matipon mo ang lahat ng puntos kasi pinagsasama-sama para sa overall individual category,” sambit ng pambato ng Villasis, Pangasinan.

Matapos ang criterium ngayong umaga, lilipat ang Ronda sa dinarayong lugar ng Dahilayan, Manolo Fortich para sa individual time trial Stage 4 sa Huwebes bago kumpletuhin ang karera sa Stage Five na criterium sa kalapit nito na Malaybalay, Bukidnon.

Malaking katuwaan naman ang dala ng isinagawang community ride, gayundin ang labanan sa executive, mountain bike race, Under23 at ang women’s category sa bawat yugto ng karera.

Pagkatapos sa Mindanao ay magtutungo ang labanan sa Visayas sa pagsasagawa ng Stage One criterium sa Bago City, Negros Occidental sa Marso 11, bago tatayong host ang Iloilo para sa isa pang criterium sa Marso 13. Ang Stage Three ay isang road race mula Iloilo tungo sa Roxas City sa Marso 15 habang ang Stage Four ay isa uling criterium race bago ang panghuling ITT na Stage Five na kapwa gagawin sa Roxas sa Marso 17.

Kukumpletuhin ng Ronda ang karera sa Luzon stage na bubuuin ng Stage One criterium sa Paseo sa Sta. Rosa, Laguna sa Abril 3, ang Stage Two ITT mula Talisay tungo sa Tagaytay sa sunod na araw, ang Stage Three criterium sa Antipolo City sa Abril 6, ang Stage Four road race mula Dagupan hanggang Baguio sa Abril 8 at ang Stage Five criterium sa City of Pines. (ANGIE OREDO)