BUTUAN CITY -- Hindi naiwasan na magpahayag si Lloyd Lucien Reynante, dating miyembro ng national team at beterano sa international meet, nang panghihinayang sa hindi pagkakasali ng Butuan Team sa bihirang pagkakataon na ibinigay ng nag-organisang LBC at LBC Express.

Hindi nakalahok ang Team Butuan-Cycleline, pinagbibidahan nina 2014 Ronda Pilipinas champion Riemon Lapaza, Cezar Lapaza, Jade Lopez at Gilbert Enarciso, matapos iparada ang maling bisikleta. Nauna rito, pinagbigyan ang huling hirit ng koponan na makasali matapos ang naunang pag-atras nito dahil sa pagkamatay umano ng dalawang miyembro.

“Hindi kasi natin alam, baka mayroon sila na internal problem,” sabi ng Philippine Navy team captain na si Reynante, anak ng maalamat na Marlboro Tour champion na si Manuel ‘Maui” Reynante.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“Nakita naman namin ang willingness ng mga cyclist na sumali pero siguro may pumipigil sa kanila na matinding dahilan. Sa opinion ko ay inilalapit na sa kanila ng Ronda ang karera tapos hindi pa sila sasali dahil di nila kontrol,” aniya.

Ikinatuwa naman ni Reynante na unti-unting dinadala ng Ronda Pilipinas ang karera sa probinsiya kung saan mas naipapamalas ng koponan ang antas ng kanilang paglalaro upang mas mahigitan ng kanilang mga karibal na nagnanais magtagumpay sa sports na cycling.

“Maganda sana na makalaban sila sa amin para naranasan nila at masubukan kung hanggang asan nila maaabot ang naabot naman namin na level sa pagsali sa mga malalaki at internasyonal na mga karera,” sabi ni Reynante.

“Kami talaga sa Philippine Navy-Standard Insurance ay nakatutok dito sa Ronda,” sabi pa ni Reynante. “Kami naman kasi ay itinuturing namin na hamon ang bawat makakatapat namin na mga koponan at lagi namin iniisip na meron kami matututunan sa bawat pagsali namin sa mga karera,” aniya.

Matatandaan na sa hindi inaasahang desisyon ay umatras ang Team Butuan na kinabibilangan ng ipinagmamalaki ng lungsod na tinanghal na 2014 LBC Ronda Pilipinas champion Reimon Lapaza sa taunang karera.

Nagbago ito ng desisyon matapos na kausapin ni Butuan City Mayor Ferdinand Amante subalit nagtungo sa oras ng karera na iba ang bitbit na klase ng bisekleta upang tuluyang diskuwalipikahin ng mga namamahalang opisyal.

Una nang nagpakilala si Lapaza sa pangunahing karera sa bansa matapos magwagi noong 2014 edisyon ng taunang aktibidad sa pagsungkit nito sa nakatayang P1 milyon premyo.

Samantala, patuloy na nagpapakita ng angking talento ang pinakabatang rider sa torneo na Ranlean Maglantay, 18, mula sa Marbel, South Cotabato matapos na talunin ang iba pang kasali na napilitang umayaw sa karera sa pagkumpleto sa dalawang matitinding yugto.

Si Maglantay, anak ng isang mekaniko, ay magtatangkang maiuwi ang premyo na P50,000 para sa LBC leg champion pati na rin sa P25,000 premyo na ibibigay bilang Petron Local Hero. (ANGIE OREDO)