Para sa isang paring Katoliko, dalawa sa limang kandidato sa pagkapangulo na sumalang sa unang presidential debate nitong Linggo ang umani ng kanyang paghanga.

Ito, ayon kay Fr. Jerome Secillano, ay sina Senator Grace Poe at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

“Poe and Duterte made the most impression. Duterte for being straight to the point and for giving not the usual solutions to problems besetting our country,” sinabi niya sa isang panayam kahapon.

“Poe for being knowlegeable about the issues and for being concrete about what she plans to do if elected. She’s also very articulate which the other candidates are not,” dagdag ni Secillano.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Napansin din ng kura paroko ng Nuestra Señora del Perpetuo Socorro Parish sa Sampaloc, Maynila, kung paanong nagpadaigan ang mga kandidato sa pamamagitan ng pagbabatuhan ng iba’t ibang isyu laban sa isa’t isa.

Sa kabila nito, pumatok naman sa mga netizen, na aktibong tinutukan ang unang debate ng mga kandidato sa pagkapangulo sa nakalipas na 24 na taon, ang mabuting pakikitungo sa isa’t isa nina Duterte at Sen. Miriam Defensor-Santiago—at nagmistulang love team ang dalawa sa pagbida ng mga litrato at posts tungkol sa kanila sa social media nitong Linggo ng gabi.

Tinaguriang “DuRiam”, naging instant celebrity love team sina Duterte at Santiago matapos nilang purihin at suportahan ang isa’t isa habang nagpaparunggitan ang ibang presidentiables.

Kumalat din sa Facebook ang litrato ng dalawa na in-upload online habang hinahagkan ng alkalde ang kamay at niyayakap ang senadora.

Samantala, kuntento si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista sa kinalabasan ng unang presidential debate, na ginanap sa Cagayan de Oro City, na tinawag ding “success” ni Comelec Spokesman James Jimenez.

“It was a success! The reach, as measured by the unprecedented ratings garnered by the program, was tremendous and the ensuing conversation – as gauged by social media activity,” ani Jimenez.

Nagtala ng 1.1 milyong tweets ang #PiliPinasDebates2016.

Ang ikalawang presidential debate ay gaganapin sa Marso 20 sa Visayas, sa Abril 24 ang ikatlo na gagawin sa Luzon, bukod pa sa vice presidential debate sa Abril 10, sa Metro Manila.

(Leslie Ann Aquino, Argyll Cyrus Geducos, at Mary Ann Santiago)