ANG Pambansang Araw ng Brunei (‘Hari Nasional’ sa Malay) ay taunang ipinagdiriwang tuwing Pebrero 23. Ito ang araw na ganap na naging malaya ang Brunei mula sa United Kingdom noong 1984. Bagamat nakamit ng Brunei ang kalayaan nito noong Enero 1, 1984, ang kontrol ng British sa bansa ay pormal na nagwakas noong Pebrero 23, 1984.

Noong Enero 31, 2016, isinapubliko ang logo para sa selebrasyon ng Ika-32 Pambansang Araw ng Brunei sa Ministry of Culture, Youth, and Sports (MCYS) ng bansa. Kinakatawan nito ang pag-asa at mga hangarin ng Brunei Darussalam bilang isang Bansa ng Zikir bilang tugon sa isang titah ng Kanyang Kabunyian Sultan Haji Hassanal Bolkiah Mu’izzaddin Waddaulah ibni Al-Marhum Sultan Haji Omas ‘Ali Saiduddien Sa’adul Khairi Waddien, Sultan at Yang Di-Pertuan ng Brunei Darussalam, sa paghimay sa mga hangarin ng National Vision 2023 ng bansa. Ang orihinal na disenyo ng logo ay iginuhit ni Abdul Rahman bin Ahmad, isang artist mula sa Sultan Omar ‘Ali Saifuddien Sa’adul Khairi Waddien Memorial Hall at sa unang pagkakataon ay ginamit sa mga selebrasyon ng Pambansang Araw noong nakaraang taon. Ngayong taon, binago ni Abdul Azim bin Haji Ahad, designer sa MCYS, ang logo matapos itong aprubahan ng Executive Committee para sa mga selebrasyon ng Ika-32 Pambansang Araw.

Ang Pambansang Araw ay isang popular na okasyon sa Brunei Darussalam at karaniwan nang naiwawagayway ang watawat sa mga kalsada at gusali. Nagdaraos din ng malaking parada sa national stadium, at naging pambansang tradisyon na para sa mamamayan ang pagbisita sa mga mosque para mag-alay ng mga panalangin kaugnay ng pagdiriwang sa kalayaan ng bansa.

Ang Brunei ay isang maliit na bansa sa isla ng Borneo. Kilala ito sa naggagandahang dalampasigan at sa rainforest biodiversity; na karamihan ay protektado sa mga iniingatang lugar. Ang Ulu Temburong National Park, na maaaring marating sa pagsakay sa mahabang bangka, ay may canopy walks, isang pasilip sa tradisyunal na longhouse culture, at may endemic fauna and flora, gaya ng proboscis monkey.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at Brunei ay itinatag noong 1984. Simula noon, pinag-ibayo ng dalawang bansa ang kanilang ugnayan sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga pagbisita, na ang huli ay noong Abril 2013, sa pagbisita sa Pilipinas ng Kanyang Kabunyian, Sultan Hassanal Bolkiah, para makipagpulong kay Pangulong Benigno S. Aquino III.

Kapwa sumang-ayon ang dalawang bansa na higit pang paigtingin ang kanilang ugnayan sa pamamagitan ng pagtutulungan sa ekonomiya at kultura, at sa seguridad sa karagatan. Tinalakay din nila ang suporta ng Pilipinas sa pamumuno ng Brunei sa ASEAN summit at ang ayuda ng Brunei sa pagsusulong ng Pilipinas ng kapayapaan sa Mindanao. May embahada ang Brunei sa Makati City, habang ang embahada ng Pilipinas ay nasa Bandar Seri Begawan, ang kabisera ng bansa. May mahigit 20,000 Pilipino ang nagtatrabaho sa Brunei.

Binabati naming ang mamamayan at ang gobyerno ng Brunei Darussalam, sa pangunguna ng Kanyang Kabunyian, Sultan at Prime Minister Hassanal Bolkiah, at ng Kanyang Kabunyian, Prinsipe Al-Muhtadee Billah, sa pagdiriwang nila ng Pambansang Araw.