VILLASIS, Pangasinan - Nanganib ang buhay ng 30 pasahero ng bus sa kamay ng isang hinihinalang carnapper na tumangay sa pampasaherong sasakyan, kaya napilitan ang isang pulis na barilin ito sa Mac Arthur Highway, sa Barangay Bacag, Villasis, Pangasinan.

Sa report na tinanggap kahapon mula kay Supt. Ferdinand Bingo De Asis, tagapagsalita ng Pangasinan Police Provincial Office, nabatid na nangyari ang insidente dakong 4:00 ng umaga nitong Sabado sa Mac Arthur Highway sa Bgy. Bacag.

Nauna rito, tinangay ng hindi nakilalang lalaki, na pinaniniwalaang carnapper, ang isang jeepney (PGG-299) sa Bgy. Maligaya sa Tarlac City at minaneho ito patungo sa Villasis, ngunit na-flat ang gulong ng sasakyan.

Dahil dito, iniwan niya ang jeep sa gitna ng Mac Arthur Highway at hinarang ang isang sakay sa motorsiklo. Pinalo niya ng dalang liyabe de tubo ang driver ng motorsiklo at tinangay ang sasakyan hanggang sa bumangga siya sa likuran ng pampasaherong Five Star bus.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nang mga oras na iyon, patungo sa kanyang duty si SPO1 Herminigildo Ramos, ng Urdaneta City Police, nang mapansin niya ang pagbangga ng suspek kaya nagpakilala siyang pulis dito, ngunit binantaan siya ng suspek na aatakehin ng dala nitong liyabe.

Pagkatapos, pumasok ang suspek sa bus, na may sakay na 30 pasahero, at inatake ang driver para maagaw ang manibela.

Kalmadong pinakiusapan ni Ramos ang suspek na sumuko na lang, ngunit tumanggi ito, kaya napilitan ang pulis na barilin ang carnapper, na nasawi.

Nakumpiska ng Scene of the Crime Operations (SOCO) mula sa bangkay ng suspek ang isang transparent plastic sachet na may hinihinalang shabu.

Nasa kostudiya na ng Villasis Police si Ramos, habang inilagak naman sa Ideal Funeral Homes sa Bgy. Carmen, Rosales, Pangasinan ang bangkay ng hindi pa nakikilalang suspek. (LIEZLE BASA IÑIGO)