MAKARAANG magkarera ng mahigit 100 kilometro sa 148-kilometrong unang lap ng 7th Tour of Luzon mula sa Antipolo hanggang sa Lucena nitong Huwebes, hindi na nagawang magpatuloy ng pandaigdigang grupo ng mga siklista dahil sa pagsisikip ng trapiko na dulot ng mga kinukumpuning kalsada. Dahil dito, kinansela na lang ang lap.
Nakita sa insidente, higit sa ano pa man, na problema na rin ang trapiko kahit sa labas ng Metro Manila, na hanggang ngayon, makalipas ang maraming buwan ng pagpapatupad ng iba’t ibang solusyon ng maraming opisyal at ahensiya, ay hindi pa rin nareresolba. Ang dalawa hanggang tatlong oras na biyahe ay maituturing nang normal ngayon para makarating sa magkabilang dulo ng Metro area—dagdagan pa ng isang oras kapag rush hour.
Napakaraming hakbangin na ang iminungkahi upang mapabuti ang sitwasyon—kasama na ang mas istriktong pagpapatupad ng batas-trapiko, pag-aalis ng mga harang sa kalsada na hindi pa rin naman madaanan dahil sa kabi-kabilang proyektong pagawain, pagtiyak na magtutuluy-tuloy ang biyahe ng mga tren ng Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT), at marami pang iba. Ngunit kahit pa limiin nating mabuti ang mga panandalian o sana ay pangmatagalan na mga planong ito, mahalagang ikonsidera natin ang mga darating na panahon at magplano—hindi lamang para sa Metro Manila kundi para sa iba pang mabilis na umuunlad na mga lugar sa bansa.
Kamakailan, sinabi ni dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na nakikinikita niya na magiging mga megacenter ng populasyon at negosyo ang maraming siyudad sa bansa ngayon, kabilang na ang Cebu, Davao, Tuguegarao, at Naga. Malapit na rin nating idagdag sa listahan ang Antipolo at Lucena. Ang mga sentrong ito ng populasyon ay inaasahang magdurusa rin sa kaparehong problema sa trapiko at iba pang suliranin na nagpapahirap sa Metro Manila, maliban na lang kung agad na magsisimulang kumilos laban dito ang mga kinauukulang opisyal.
Nanawagan si Tolentino na maitatag ang isang Philippine Urban Development Commission upang tutukan ang mga problemang ito. Kailangan ng isang komprehensibong plano upang magamit nang wasto ang mga lupain sa mga sentro ng populasyong ito, gaya ng ipinatutupad sa Tokyo, Jakarta, at Bangkok, aniya.
Mahalaga rin na ikonsidera sa mga plano sa pagpapabuti ng mga umuunlad na lungsod ang paulit-ulit na banta ng kalamidad, gaya ng mga bagyo, na nasa 20 ang nananalasa sa Pilipinas kada taon, at ang banta ng lindol, tulad ng yumanig kamakailan sa Tainan City sa Katimugang Taiwan. Mayroon na tayong mga lokal na Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) sa antas ng rehiyon, probinsiya, munisipalidad, lungsod, at barangay. Naimungkahi na rin na bukod sa pagtiyak na hindi gaanong matindi ang pinsala, dapat na saklawin din ng mga konsehong ito ang muling pagbangon ng mga apektadong residente, at rehabilitasyon ng lugar sa kani-kanilang programa.
Kabilang ang mga ito sa mga pangmatagalang panukala na isinagawa sa harap ng mga problemang nagsulputan sa maraming bahagi ng bansa bilang resulta ng hindi organisadong pagpapaunlad, at pananalasa ng mga kalamidad. Mangangailangan ito ng pagkilos ng Kongreso kaya hihintayin pa ang susunod na Kongreso, na ang mga miyembro ay ihahalal sa Mayo.
Sa ngayon, maghintay tayo—nang punumpuno ng pag-asa—sa ilang hakbangin na magbibigay ng solusyon, kahit bahagya lang, sa hindi maresolbang problema sa trapiko sa Metro Manila.