DUMATING na kahapon ang Queen of Pop na si Madonna sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), dalawang araw bago idaos ang kanyang unang concert sa Pilipinas.

Lumapag si Madonna, 56, na Madonna Louis Ciccone sa tunay na buhay, at ang kanyang 42-man entourage sa isang nakareserbang runway malapit sa NAIA I Terminal, sakay ng isang private jet mula sa Macau.

Sumailalim ang grupo ng international singer sa routine arrival formalities at pag-iinspeksiyon ng mga immigration officer, gayundin mga tauhan ng customs at quarantine bureaus.

Nabatid na isinama rin ni Madonna sa kanyang unang pagbisita sa Pilipinas ang kanyang mga anak na sina Chifundo Mercy James at David Banda.

Tsika at Intriga

Maris, namundok matapos maeskandalo kay Anthony

Hindi naman magtatanghal si David, na kilala rin sa pagiging talented rapper at dancer, kasama ng kanyang ina sa concert nito.

Bukod sa tatlong Israeli, tatlong French, isang Briton, isang Italian, at isang Canadian, pawang Amerikano na ang miyembro ng kanyang entourage, na binubuo ng backup singers, dancers, band members, security aides, makeup artists, hair stylists, choreographers, at assistants.

Mananatili sa bansa si Madonna hanggang sa Biyernes, ang araw ng kanyang pag-alis para dumiretso sa Singapore.

Bahagi ng Rebel Heart world tour ang pagtatanghal ni Madonna sa Pilipinas. Iniulat na nasa P3,150 ang halaga ng ticket sa kanyang concert para sa general admission, at umaabot hanggang P57,750 ang ticket para naman sa VIP section. Ang SM MOA Arena ay may 20,000 seating capacity. (JUN RAMIREZ)