“HINDI ako hihingi ng paumanhin para sa aking ama,” sabi ni Sen. Bongbong Marcos. Kung paano niya pinatakbo ang gobyerno, ang kasaysayan, aniya, ang huhusga. Ang senador ay kandidato sa pagka-bise presidente at ang ama niya ay ang dating Pangulo na si Ferdinand Marcos. Ang kanyang sinabi ay reaksiyon niya sa mga bumabatikos sa ginawa ng kanyang ama laban sa bayan nang ito ay nanunungkulan. Kung tama o mali ang ginawa ng kanyang ama, sa senador, ang kasaysayan ang magpapasiya.

Paano kaming may sapat na gulang na noon para maintindihan ang mabuhay nang malaya, mapayapa at makatarungan sa demokratikong espasyo? Hindi ba kami mapagkakatiwalaang testigo sa naganap noong panahon bago at nang ideklara ni Pangulong Marcos ang Martial Law?

Mapayapa ang halalan nang manalo si Pangulong Marcos laban kay Pangulong Diosdado Macapagal noong 1962. Subalit naging magulo na ang bansa pagkatapos magwagi ni Marcos sa kanyang ikalawang termino laban kay Sergio Osmeña. Kasi, puro panlalamang at pandaraya ang ginawa ni Marcos. Sukat ba namang ideklara niyang official holiday ang araw bago maghalalan (Biyernes). Kaya naipit sa bangko ang salaping gagamitin ng kanyang mga kalaban kahit para man lang sa kanilang inspector. Paralisado ang oposisyon nang magbotohan noong Lunes. Samantala, katulad ni Pangulong Gloria, binaligtad ni Pangulong Marcos ang kaban ng bayan, kaya siya nanalo.

Dahil nagamit ang pera ng bayan, hindi na makaresponde ang rehimeng Marcos sa pangangailangan ng mamamayan. Inulan ng batikos ang kanyang pamahalaan hindi lang dahil sa ginawa nitong panloloko sa halalan kundi dahil na rin sa kahirapan. Sa panahong ito, nailuwal ang First Quarter Storm na nagsagawa ng sunud-sunod na demonstrasyon para ibagsak si Marcos. Nakisama noon ang kalikasan nang lamunin ng baha ang malaking bahagi ng Gitnang Luzon. Upang masawata ang hindi na makontrol na poot ng taumbayan, sinuspinde ni Marcos ang Writ of Habeas Corpuz na naging daan para dakpin niya ang mga student at labor leader, professor at professional nang walang warrant of arrest. May mga bombang sumasabog sa mga mataong bahagi ng Maynila na bumiktima ng mga inosenteng sibilyan. Nagkunwari si Senador Enrile na noon ay National Defense Secretary na inambush sa Quezon City. Noong Setyembre 21, 1971, ibinaba na ni Marcos ang Martial Law. (RIC VALMONTE)

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika