TARLAC CITY - Hindi mapapasubalian na pagdating sa sports ay matindi pa rin ang kamandag ng Bulacan matapos pagharian ang katatapos na Central Luzon Regional Athletics Association (CLRAA) Meet dito.
Nakakuha ng kabuuang 130 ginto, 88 pilak at 56 tansong medalya ang Bulacan, habang runner-up ang Bataan (32-33-42) kasunod ang Olongapo (25-37-37).
Kaugnay nito, binati ni Bulacan Governor Wilhelmino Sy-Alvarado ang nagsipagwagi at ang mga batang atleta na lumahok na nagmula pa sa iba’t ibang school divisions sa rehiyon at sinabing ang kababang-loob, pakikipag-kapwa at pagiging sports ang tunay na susi sa pagkakamit ng tagumpay sa buhay.
Napag-alaman na ang pagiging host ng palaro ang magsisilbing paghahanda ng lalawigan sa posibleng pagsasagawa ng Palarong Pambansa sa Bulacan kung saan mayroon ditong pinakamalaking stadium sa Ciudad de Victoria na katabi ng Philippine Arena sa bayan ng Bocaue na pinagdausan ng softball at football games. (Leandro Alborote)