NATATANDAAN pa ba ninyo ang mga salitang “Balay” at “Samar”? Ito ang dalawang paksiyon na sumuporta sa kandidatura ni Noynoy Aquino noong 2010 sa pagkapangulo. Gayunman, hindi nagkaisa ang mga ito sa pagsuporta sa mga kandidato sa pagka-bise presidente dahil ang Balay ay para kina Aquino at Mar Roxas ngunit ang Samar ay Aquino-Binay. Samakatuwid noon pa man ay magkaiba na ang pananaw-pulitikal ng dalawang paksiyon na kapwa sumuporta kay PNoy pero magkaiba sa pagsuporta sa vice presidential bets.
Ang grupong Balay ay kampi kay ex-DILG Sec. Mar Roxas na may-ari ng Bahay na Puti o White House sa Cubao na pinanggalingan ng salitang Balay (Noy-Mar). Ang pangkat ng Samar ay panig naman kay VP Jojo Binay na noon ay Makati City Mayor (Noy-BI). Tinawag itong Samar dahil may opisina ito noon sa Samar Avenue, Quezon City. Kabilang sa pangkat na ito sina Executice Secretary Paquito Ochoa at ex-DILG Sec. Rico Puno. Ang Samar din ang umano’y nasa likod ng NOY-BI movement noon.
May mga report na muling sumusulpot ang “rivalry” o labanan ng taga-Balay at taga-Samar. May balitang kumikilos si Puno (hindi ang singer) at kinokontak ang mga kasapi ng Free and Accepted Masons of the Philippines na nasa mga balwarte ng Liberal Party upang suportahan si independent presidential candidate Sen. Grace Poe. Ang Samar group ngayon ay para kay Sen. Grace.
May ulat na isang personal aide ni Puno ang nananawagan ngayon sa mga miyembro ng Masons sa Western Visayas at Northern Mindanao na tumulong sa pag-oorganisa para sa mga rally nina Poe at Sen. Chiz Escudero. Si Puno ay kilalang trusted friend (kabilang sa KKK) ni PNoy. Kalahati ng poder noon ni ex-DILG Sec. Jesse Robrero ay ibinigay pa nga sa kanya ng Pangulo kaya lumitaw na parang “kawawa” si Sec. Robredo noon, lalo na nang maganap ang Luneta incident na ikinamatay ng anim na turista mula sa Hong Kong dahil sa palpak na paghawak sa trahedya.
***
Parang balewala lang kay boxing icon at Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang pagbitaw sa kanya ng Nike sanhi ng anti-gay remarks niya na ikinagalit ng lesbians, gays, bisexuals, and transgenders (LGBT) community noong nakaraang linggo. Ayon sa ilang sports analyst, hindi naman sa aspetong pinansiyal ang nawala kay Pacman dahil ang ibinibigay lang ng Nike ay sports apparel, gaya ng sapatos at damit.
Samantala, baka raw ma-disqualify si Manny sa pagtakbo sa pagkasenador dahil sa pakikipagsagupa niya kay US boxer Timothy Bradley. Magtatamo raw siya ng undue advantage kumpara sa ibang mga kandidato dahil sa malaking publisidad na makukuha niya sa pakikipagbakbakan. ‘Di ba’t lagi nang tumitigil ang mga aktibidad sa ‘Pinas tuwing siya ay nakikipagbasagan ng mukha sa Las Vegas at iba pang parte ng mundo? Abangan na lang natin ang susunod na kabanata.
(BERT DE GUZMAN)