Apat sa 10 Pilipino, katumbas ng 39 na porsiyento, ang naniniwalang magkakaroon ng dayaan sa eleksiyon sa Mayo 9, ayon sa resulta ng huling survey ng Pulse Asia na isinagawa noong Enero 24-28, 2016.
Sa ginawang face-to-face interview ng Pulse Asia sa 1,800 respondent, lumitaw na ang vote buying o pagbili ng boto ang pinakapopular na uri ng pandaraya sa eleksiyon, matapos itong makakuha ng 65 porsiyento.
Nasa 29% naman ang umaasang walang mangyayaring dayaan sa halalan, habang hindi naman makapagpasya ang 32%.
Bukod sa vote buying, may iba pang paraan ng pandaraya sa darating na eleksiyon, kabilang ang pag-tamper sa counting machines (37%), pagbago o pag-iiba ng aktuwal na bilang ng boto (32%), at pagkakaroon ng mga flying voter (31%).
Sa naturang survey, tinukoy din ang mga isyu tulad ng pagtatago o pagpigil sa botante, pagpapalit ng balota na ipinasok sa mga makina, pagnanakaw sa mga makina, at brownout.
Samantala sa parehong survey, lima sa 10 Pilipinong rehistradong botante ang umaasa pa rin ng malinis at patas na automated elections.
Nabatid na 48% sa respondents ang nagtitiwala sa pahayag na “malinis at credible” ang resulta ng halalan dahil automated ang pagbilang sa boto.
May 36% ang hindi makapagpasya habang 15% ang tutol sa nasabing pahayag.
Ayon sa Pulse Asia, mas marami sa Metro Manila ang nagpahayag ng pagsang-ayon sa inaasahang malinis na halalan, na nakakuha ng 59%, kasunod ang Visayas na may 56%. (BELLA GAMOTEA)