Umaabot na sa kabuuang 2.2 milyong balota ang naiimprenta ng Commission on Elections (Comelec) simula nang umpisahan ang ballot printing sa National Printing Office (NPO) noong Pebrero 18.
Ayon kay Genevieve Guevarra, pinuno ng Printing Committee ng Comelec, nangangahulugan ito na naabot ng poll body ang target nito na makapag-imprenta ng milyong balota kada araw.
“Mukha naman pong on schedule kami sapagkat parang kung tutuusin mo kasi nag-start kami noong Thursday (Peb. 18) ng mga almost magsi-6:00 na ng gabi. So kumbaga technically, more than 48 hours pa lang talaga kaming nag-uumpisang mag-imprenta, so two million na ang naaabot namin. ‘Yung amin pong target na 1 million a day, eh, medyo naa-achieve naman natin,” sinabi ni Guevarra sa panayam sa telebisyon.
Sinabi ni Guevarra na ang mga balotang natapos iimprenta ay para sa overseas absentee voters (OAV) sa Milan, Italy, at Ottawa at Vancouver sa Canada.
Target, aniya, ng Comelec na matapos ang ballot printing sa OAV sa loob ng isang linggo.
Natapos na rin, aniya, nilang iimprenta ang mga balota na para sa Basilan at Tawi-tawi.
Nauna rito, napaulat na bumagal ang proseso ng ballot printing dahil sa pagkaantala ng delivery ng compact flash (CF) cards na ginagamit sa pagberipika sa mga balota.
Sabado ng gabi na, aniya, nang magpatuloy ang verification process nang dumating ang mga CF card. (Mary Ann Santiago)