Bumalikwas sa krusyal na sandali ang University of Santo Tomas Tigresses para magapi ang matikas na National University Lady Bulldogs, 25-14, 25-18, 17-25, 19-25, 15-12, sa pagpapatuloy ng elimination round ng UAAP Season 78 women's volleyball tournament nitong Sabado sa MOA Arena.

Kumana sina team skipper EJ Laure at Cebuana hotshot Cherry 'Sisi' Rondina sa natipang tig-21 puntos, kabilang ang impresibong depensa sa deciding set para makabangon mula sa 3-8 paghahabol at kunin ang panalo.

Ito ang ikalawang sunod na laro na napagwagian ng Tigresses ang laban mula sa balag ng kabiguan.

"Huling bilin ko sa kanila sa fifth set, 'Gagapang ba tayo ulit o tatayo tayo sa pagkakadapa "Nag-respond naman although until the end naghahabol kami lumamang na lang kami noong 12 (all) na," pahayag ni UST coach KungFu Reyes.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

"Thankful ako sa NU, napakahirap talaga kalaban ng mga bata ni coach Roger (Gorayeb). Talagang breaks of the game na lang," aniya.

Tangan ng NU ang momentum matapos makuha ang 8-3 bentahe sa final set, ngunit nagtamo ang Lady Bulldogs ng turnover matapos silang matalo sa net ng Tigresses sa ilang pagkakataon para maidikit ang iskor sa 9-11.

Naitabla nina Rondina at Chloe Cortez ang iskor sa 12-12, bago naagaw ng Tigresses ang bentahe sa 13-12 nang mag-error si NU’s Jorelle Singh. Mula rito, tuluyang nang umabante ang UST.

Nanguna sa NU sina Jaja Santiago at Myla Pablo na kumana ng 23 at 20 puntos, ayon sa pagkakasunod.