NANG makipagpulong si United States President Barack Obama sa mga pinuno ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa California noong nakaraang linggo, nakatutok ang atensiyon ng mundo sa tensiyon sa pagitan ng mga bansang kasapi ng ASEAN at ng China kaugnay ng pag-aagawan ng teritoryo sa South China Sea.
Naging laman ng mga balita ang ulat ng pagpupuwesto ng China ng isang surface-to-air missile system sa isa sa mga pinag-aagawang isla. Muli namang binigyang-diin ni Pangulong Obama na ipagtatanggol ng Amerika ang mga kaalyado nito sa rehiyon at tutulong upang mapalakas ang kakayahan ng mga ito sa pagtatanggol sa karagatan. Idineklara rin niya na ipagpapatuloy ng Amerika ang paglipad at paglalayag sa lugar alinsunod sa pandaigdigang batas, hayagang pinabulaanan ang iginigiit ng China na bahagi nito ang malaking bahagi ng South China Sea.
Nagtapos nitong Martes ang dalawang-araw na US-ASEAN Summit sa paglalabas ng deklarasyon na umiwas pa rin na direktang tukuyin ang China. Hindi rin tinukoy sa deklarasyon ang kasong inihain ng Pilipinas sa United Nations Permanent Court of Arbitration sa The Hague. Gayunman, inaasahang naiparating ng California Summit sa China ang malinaw na mensahe na determinado ang Amerika na panatilihin ang mahalaga nitong presensiya sa rehiyon.
Halos hindi naman nabanggit sa mga ulat tungkol sa Summit ang pagpapahayag ni Pangulong Obama ng mga ipatutupad na hakbangin na layuning mapasigla ang mga ekonomiya ng mga bansang kasapi ng ASEAN. Sa tinawag niyang “US-ASEAN Connect”, sinabi ni Obama na magtatatag ang Amerika ng network ng tatlong center sa Timog-Silangang Asya—sa Singapore, Jakarta, at Bangkok—na makikipag-ugnayan tungkol sa mga ayuda ng Amerika sa pagsusulong ng ekonomiya sa rehiyon at iuugnay ito sa mga negosyante, mga mamumuhunan, at mga negosyo. Magkakaroon ito ng apat na organizing pillar—ang Business Connect, Energy Connect, Innovation Connect, at Policy Connect.
Kabilang sa planong ito ng Amerika ang ayudang teknikal nito sa Pilipinas, Indonesia, at Thailand upang maihanda ang tatlong bansa sa pagsanib sa dambuhalang Trans-Pacific Partnership, na kinabibilangan na ng Brunei, Malaysia, Singapore, at Vietnam. Bukod dito, ang Trans-Pacific Partnership sa mga bansa sa Pacific Rim ay lilikha ng mga kasunduan sa agrikultura, intellectual property, serbisyo, at pamumuhunan.
Umani ng atensiyon ang US-ASEAN Summit sa harap ng hindi humuhupang tensiyon sa South China Sea sa pakikipag-agawan sa China. Ngunit ang mga planong pang-ekonomiya na tinalakay sa summit, partikular na sa US-ASEAN Connect, ang maituturing na pinakamahalagang bahagi ng dalawang-araw na Summit sa California noong nakaraang linggo. Kaugnay ng tuluy-tuloy na proseso ng pagsasama-sama ng ASEAN, ang bagong inisyatibong pang-ekonomiya ng Amerika ay maaaring makatulong upang tuluyan nang magkaroon ng katuparan ang pangkalahatang kaunlaran na tiyak na mag-aangat sa buhay ng mamamayan.