Ni MARY ANN SANTIAGO

Kumpiyansa ang Commission on Elections (Comelec) na malaki ang maitutulong ng serye ng presidential debates na idaraos ng komisyon para masuring mabuti ng mga botante ang mga kandidatong nagnanais na maluklok sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno.

Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, malaking hakbang ang debate para mas makilala ng mga botante ang mga presidential aspirant na pagpipilian nila sa paghahalal sa Mayo 9.

“The debate will speak for itself,” ani Bautista. “Ito’y isang malaking pagkakataon para masuri ang mga kandidato, at matulungan ang mga botante sa pagpili.”

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang unang presidential debate ay idinaos kagabi sa Capitol University sa Cagayan de Oro City, na dinaluhan ng mga kandidato sa pagkapangulo na sina Vice President Jejomar Binay, Senator Grace Poe, dating Interior Secretary Mar Roxas, Senator Miriam Defensor- Santiago, at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Live itong napanood sa GMA-7 at inaasahang magkakaroon ng replay para higit pang mahimay ng mga botante.

Ang ikalawang presidential debate ay gagawin sa isang lugar sa Visayas sa Marso, habang ang ikatlo at huli ay sa Luzon, sa Abril.