Inihayag ng militar na pinalaya na ng isang grupo ng armadong lalaki ang pamangkin ng isang yumaong leader ng Moro National Liberation Front (MNLF) matapos itong dukutin sa Patikul, Sulu, noong Pebrero 14.

Kinilala ni Brig. Gen. Alan Arrojado, commander ng Joint Task Group Sulu, ang biktima na si Omar Carlo Masdal, 20, estudyante ng Sulu State College.

Ayon sa militar, pinalaya si Masdal dakong 11:20 ng umaga nitong Sabado, sa Barangay Latih, Patikul, matapos ang pakikipagnegosasyon ng ilang commander ng MNLF.

Sinabi ni Arrojado na posibleng napagkamalan lang ng mga suspek na kaanak si Masdal ng isang prominenteng pamilya sa lalawigan na naging motibo sa pagkakadukot dito.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Nang tanungin ng media kung may ransom na ibinayad kapalit ng kalayaan ni Masdal, sinabi ni Arrojado: “Walang ransom, relative ng MNLF commander kaya hindi talo sa kanila.”

Si Masdal ay sinasabing pamangkin ni dating MNLF Commander Ustadz Habier Malik na namuno sa Zamboanga City siege noong Setyembre 2013. Ilang buwan matapos ang madugong insidente, naiulat na pumanaw si Malik dahil sa diabetes. - Elena Aben