BAHAGI na ng kasaysayan ng Pilipinas na tuwing sasapit ang ika-22 hanggang 25 ng Pebrero ay ginugunita at ipinagdiriwang ang makasaysayang EDSA People Power Revolution. Ngayong 2016 ay ang ika-30 anibersaryo nito. Anuman ang nangyayari sa ating bansa at sa mundo ngayon, ang EDSA Revolution ay natatangi, makasaysayan, at naiiba sapagkat nabatid at ipinakita ng sambayanang Pilipino sa mata ng daigdig ang pagpapabagsak sa may 20 taong panunupil ng diktadurya.

Ang tanging armas o sandata ng mga Pilipino ay ang PAGKAKAISA, dasal, awit, imahen ng Mahal na Birhen at mga bulaklak na itinapat sa bibig ng baril ng mga sundalo. At sa pagbagsak ng diktadurya at rehimeng Marcos na isang mapanupil na domestic elite, naibalik ang Demokrasya at Kalayaan sa bansa. Ang inyong kolumnista ay saksi at isa sa mga reporter ng DZRH na nagsagawa ng coverage sa apat na araw ng EDSA People Power Revolution. Anuman ang maging pakahulugan ngayon ng iba nating kababayan sa EDSA People Power Reovolution, ito’y isang makasaysayang pangyayaring pagbabalik-tanawan at gugunitain ng mga nagpapahalaga sa kasaysayan at ng may sense of history at nationalism o pagiging makabayan.

Ang EDSA ay nangangahulugang Epifanio de los Santos Avenue. Ito ang dating Highway 54 noong bago matapos ang dekada 60. Napalitan ng EDSA dahil sa panukalang batas na pinagtibay na iniharap sa Kongreso ni dating Congressman Francisco Komong Sumulong, ng Rizal, bilang pagdakila sa matatalino at dakilang Pilipino na mula sa lalawigan ng Rizal. Si Epifanio de lo Santos ay taga-Malabon, Rizal na sakop ngayon ng Metro Manila at isa na ring lungsod. Si Don Panyong, tawag kay Epifanio de los Santos, ay isang abogado, manunulat, historian, pintor, makata, literary critic, musician, at naging direktor ng National Library.

Sa pagbabalik-tanaw sa kasaysayan, ang EDSA People Power Revolution ay nagsimula noong Pebrero 22, 1986, araw ng Sabado, nang sina AFP vice chief of staff Fidel V. Ramos at dating National Defense Minister Juan Ponce Enrile ay nagkaisang humiwalay kay Pangulong Ferdinand Marcos. Ang dalawa’y nakulong sa Camp Crame kasama ang 200 sundalo kabilang na si Col. Gringo Honasan na alalay ni Enrile na naging senador at ngayo’y kandidato sa pagka-bise presidente. (CLEMEN BAUTISTA)
Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika