Chris Paul and Steph Curry
Chris Paul and Steph Curry [AP]

LOS ANGELES (AP) — Mula sa kahihiyan, kaagad na ibinalik ng Golden State Warriors ang dangal ng isang kampeon.

Hataw si Klay Thompson sa naiskor na 32 puntos, habang kumana si Stephen Curry ng 23 puntos para sandigan ang defending NBA champion sa dikdikang 115-112 panalo kontra Los Angeles Clippers nitong Sabado (Linggo sa Manila).

Galing ang Warriors sa masaklap na biyahe sa Portland kung saan tinupok sila ng TrailBlazers sa 32 puntos na kabiguan na pumutol sa kanilang matikas na 11-game winning streak.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Laban sa Clippers, napalaban nang husto ang Warriors, ngunit sa pagkakataong ito, mas kumpiyansa ang opensa ng Golden State. Nag-ambag si Draymond Green para sa kanyang ika-11 triple-double ngayong season sa naiskor na 18 puntos, 11 rebound at 10 assist, para makausad ang Warriors sa 49-5 karta.

Nanguna si Jamal Crawford sa Clippers sa nakubrang 25 puntos mula sa bench, habang humugot si Chris Paul ng 24 na puntos at kumana si DeAndre Jordan ng 16 na puntos at 21 rebound.

KNICKS 103, WOLVES 95

Sa Minneapolis, ratsada si Carmelo Anthony sa naiskor na 30 puntos at 11 rebound sa panalo ng New York Knicks kontra Minnesota Timberwolves.

Hataw din si Robin Lopez sa naiskor na 26 puntos at 16 rebounds para sa kauna-unahang panalo ni interim coach Kurt Rambis matapos palitan ang sinibak na si Derek Fisher at putulin ang seven-game losing skid.

Nanguna si Karl-Anthony Towns sa Wolves na may 24 puntos at walong rebound, habang kumubra si Andrew Wiggins ng 23 puntos.

HEAT 114, WIZARDS 94

Sa Miami, naibsan ang pagkawala nina star player Dwyne Wade at Chris Bosh sa pagbabalik ni Hassan Whiteside mula sa isang larong suspensiyon matapos itala ang 25 puntos at 23 rebound laban sa Washington Wizards.

Nasuspinde si Whiteside nang sadyang sikuhin sa ulo si San Antonio center Boban Marjanovic noong Feb. 9.

Sa kanyang pagbabalik, tinanghal siyang ika-11 player sa NBA na umiskor ng mahigit sa 20 puntos at 20 rebounds mula sa bench. Ito ang ikalawang 20-20 career record ni Whiteside na kumana ng 24 puntos at 20 rebound laban sa Minnesota noong Pebrerp 4, 2015.