MAY mga nagtatanggol at kinukonsinte ang nagawa ni Congressman Pacquiao na ibaba ang katayuan ng tao sa hayop. Sa depensa niya sa kanyang paniniwala na hindi tama ang same-sex marriage, masahol pa raw sa hayop ang mga mag-asawang pareho ang kasarian. Kasi, ayon sa kanya, ang hayop ay nakikipagrelasyon lang sa babae kung siya ay lalaki, at sa lalaki kung siya ay babae.

Kung pangkaraniwang tao lang si Pacquiao, baka iyong sinabi niya ay pinalampas na lang ng kahit sinong nakarinig nito. Pero iba ang kanyang katayuan. Sa galing niya sa boxing, kinilala siya sa buong daigdig. Binigyan niya ng karangalan ang bansa, kaya itinaas siya ng kanyang mga kababayan na isang bayani. Malakas kasi ang kanyang impluwensiya, magaan siyang manghikayat sa gusto niyang mangyari. Madali siyang magpasunod ng tao dahil sa paghanga ng mga ito sa kanya.

Dahil sa katangian niyang ito kaya siya kinuha ng Nike bilang endorser ng kanilang produkto. Nauna sa kanya, endorser din ng Nike si Tiger Woods na noon ay numero uno sa Golf. Pero, nang mabatikos si Woods sa kanyang pambabae na naging sanhi ng hiwalayan nila ng kanyang asawa, tinanggal siya ng Nike bilang endorser. Humina na, kung hindi nawala, ang paghanga sa kanya ng mamamayan sa buong daigdig. Ganito na rin ang nararanasan ni Pacquiao lalo na sa komunidad ng LGBT. Hindi na sila epektibong taga-anunsiyo ng mga produkto. Pero tinanggal man ng Nike si Pacquiao, sabi ng nagtatanggol sa kanya, hindi raw siya maghihirap. Marami anila itong pera. Hindi ito ang isyu. Ang isyu ay kung paano mo tratuhin ang iyong kapwa. Dahil ba sa masalapi ka na, eh, wala ka nang pakundangan sa iyong pananalita kahit nakakasakit ka na ng damdamin? Sa mga nagtatanggol kay Pacquiao, pakisabi sa kanya na mag-ingat sa pagsasalita. Hindi ganito ang paraan ng pagkakalat ng Banal na kasulatan. Iba ang mapagkumbaba. (RIC VALMONTE)

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan