Landscape-5 copy

NAGGAGANDAHANG garden landscape ang nagsisilbing atraksiyon ngayon sa Baguio Blooms Exhibition and Exposition ng 21st Panagbenga Festival sa kahabaan ng Lake Drive,Burnham Park, Baguio City.

Ang Baguio Blooms ay isa sa mga traditional events ng Panagbenga Festival, na ang mga naka-display ay landscape para sa kompetisyon, mga souvenir at plants and flower stalls, fastfood chains at entertainment. Pinasinayaan ito noong Pebrero 1 at matatapos naman sa Marso 6.  

Pagandahan sa flower and plant garden landscape ang 14 exhibitors na kalahok mula sa kanilang 42 landscape display sa tatlong category, ang open category, carpet of flowers at vertical garden.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Agaw-pansin ang landscape na gawa sa recycled materials, na ang mga halaman at bulaklak ay nakalagay sa mga pinturadong lata, sirang maong pants, sapatos na lumalarawan sa isang children’s park.

“Talagang kahanga-hanga ang mga talento sa gardening na lumalahok bawat taon. Isang indikasyon ito na maipagmamalaki natin sa ating mga bisita ang kahusayan ng ating mga landscaper dito,” pahayag ni Anthony de Leon, co-chairman ng Baguio Flower Festival Foundation Inc. (BFFFI).

Ayon kay De Leon, mas maganda ang preparation ngayon sa Baguio Blooms dahil pinalawak ang espasyo para sa mga mamamayan at bisita ng Panagbenga Festival.

“Nagbawas kami ng stalls mula sa dating 229 ay 136 na lang ngayon, para naman mas maluwag ang pasyalan ng mga tao at magaan ang kanilang pagtunghay sa mga landscape natin,” wika pa ni De Leon.

Lumahok sa landscaping competition ang mga miyembro ng Baguio Landscapers Association, Baguio Orchidarium at La Trinidad Orchidariums.

Bukod sa mga propesyunal na landscaper ay may pakulo rin ang BFFFI para sa teachers at estudyante, ang School-Based Landscaping Competition at Floral Arrangement Competition for Elementary and High School. (Rizaldy Comanda)