Nagpakatatag ang Far Eastern University Tamaraws matapos ang makapigil-hiningang third set para maitakas ang 25-21, 24-26, 31-29, 25-21, panalo kontra sa University of Santo Tomas Tigers kahapon sa UAAP Season 78 men’s volleyball tournament sa MOA Arena.
Gahibla lamang ang naging bentahe ng Tams sa pahirapang third set at nabiyayaan ng suwerte sa krusyal na sandali para makopo ang ikatlong panalo sa limang laro at makopo ang ikalawang puwesto sa team standings.
“Pina-practice naman namin yun yung mga crucial points kaya mas maganda yan na nabigyan kami ng ganyang laro, ine-expect namin na tataas yung morale ng mga bata,” pahayag ni head coach Reynaldo Diaz.
Nanguna si Jude Garcia sa FEU sa iskor na 16 puntos, habang tumipa si Greg Dolor ng 15 puntos.
Kumana naman ng 17 puntos si Manuel Medina para sa Tigers, bumagsak sa 1-4 marka.
“Yung UST talagang pinakita nila na karibal pa rin namin sila, binigyan talaga kami ng magandang laro,” sambit ni Diaz.